SA unang pagkakataon sa nakalipas na mga taon, sinabi noong nakaraang linggo ng mga mangingisda sa Zambales, na hindi na sila tinatakot ng mga barko ng Chinese coast guard sa pinag-aagawang Scarborough Shoal. Sinabi ni Mayor Arsenia Lim, ng Masinloc, Zambales, na labis na nasorpresa ang may 100 mangingisdang taga-Masinloc sa ‘ika nga’y biglang pagbabago ng hihip ng hangin.
Ang Scarborough Shoal, na tinatawag na Bajo de Masinloc, at minsan ay Panatag Shoal, ay 20 milya lang ang layo mula sa Zambales, at saklaw ng 200-milyang Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Gayunman, inaangkin ito ng China, na tinatawag itong Huangyan, dahil pasok ito sa tinaguriang Nine-Dash Line ng China na sumasaklaw sa halos buong South China Sea.
Nasa kanluran ng Scarborough ang mga isla ng Paracel, na pinag-aagawan naman ng China, Taiwan, at Vietnam.
At sa katimugan ng Paracels at kanluran ng Palawan ay ang Spratlys, na may 130 maliliit na isla at bahura, na ang ilang bahagi ay inaangkin ng Taiwan, ng Vietnam, ng Pilipinas, ngunit lahat ito ay inaangkin ng China. Ang isla ng Pagasa sa Spratlys, 280 milya hilaga-kanluran ng Puerto Princesa, ay bahagi ng Kalayaan, ang pinakamaliit na munisipalidad sa Pilipinas at may populasyong 222.
Ito ang buod ng tensiyon sa South China Sea. Nakialam na rin ang United States, sinabing ang South China Sea ay isang pandaigdigang ruta ng mga kargamento. Naninindigan sa malayang paglalayag, ilang beses na nagpadala ang Amerika ng mga barkong pandigma nito sa karagatan.
Matagal nang nangingisda ang mga Pilipino sa maraming isla sa South China Sea, partikular na sa Bajo de Masinloc na maiksing biyahe lang ang distansiya sa kapangalan nitong munisipalidad ng Zambales, ang Masinloc. Gayunman, sa loob ng maraming taon ay itinaboy sila ng mga barko ng Chinese coast guard, karaniwan ay gamit ang mga kanyon ng tubig. At nitong nakaraang linggo, nakumpirma ng mga mangingisda ng Masinloc na maaari na silang pumalaot sa saganang karagatan nang hindi tinatakot, na dati nilang nararanasan.
Ang positibong pagbabagong ito, ayon sa Philippine Institute for Peace, Violence, and Terrorism Research, ay bunsod ng pagkakahalal kay Pangulong Duterte, na nagpahayag ng kahandaang makipag-usap sa China tungkol sa pagkakaiba ng dalawang bansa. Ilang beses nang nanawagan ang China ng negosasyong bilateral sa lahat ng bansang nakikiagaw sa mga islang inaangkin nito.
Sa ilalim ng administrasyong Aquino, tinanggihan ng Pilipinas ang usapang bilateral at piniling maghain ng kaso sa UN Tribunal on the Law of the Sea sa Hague. Inaasahang ilalabas na ng tribunal ang desisyon nito sa usapin anumang araw ngayon, ngunit idineklara ng China na hindi nito kinikilala ang hurisdiksiyon ng tribunal.
Ang pagbabago sa Bajo de Masinloc, na hindi na ngayon tinatakot o pinagbabawalan ng Chinese coast guard ang mga mangingisdang Pilipino, ay nagpapalinaw sa pag-asa na maaaring maresolba ng iluluklok na administrasyong Duterte ang problema. Maaaring wala pang permanenteng solusyon sa ngayon dahil sa usapin ng soberanya, ngunit magiging katanggap-tanggap ang isang maayos na kasunduan na magpapahintulot sa mga Pilipino upang malayang makapangisda gaya ng dati.
Ang iba pang kasunduan ay mapag-uusapan na kalaunan, posibleng para sa magkatuwang na paggamit sa yamang-dagat sa lugar.