Sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na hindi niya naiintindihan kung bakit inilalarawan siya ng ilang kritiko bilang lider na kulang sa “empathy” o hindi marunong makiramay sa pagdurusa ng mamamayang Pilipino.

“You know I looked for definition of empathy because, actually, I cannot understand if that criticism has basis,” pahayag ni Pangulong Aquino sa panayam ng media sa paglulunsad ng Balog-Balog-Multipurpose Project sa San Jose, Tarlac.

Sinabi ni PNoy na, ayon sa Wikipedia ang “empathy is the capacity to understand or feel what another being is experiencing from within the other being’s frame of reference, i.e., the capacity to place oneself in another’s position.”

Binanggit din niya ang kahulugan ng empathy mula sa Merriam-Webster na nagsasabing: “The feeling that you understand and share another person’s experience and emotions. The ability to share someone [else’s feelings].”

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Upang patunayan na mali ang kanyang mga kritiko, binanggit ni PNoy ang dalawang pangyayari na nagpapakitang mayroon siyang “empathy” sa paghihirap ng mga biktima ng super typhoon Yolanda noong Nobyembre 2013 at ng Zamboanga siege.

Sa Tacloban City, ayon sa Pangulo, bumisita siya kasama ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan at iba pang lider ng bansa sa mga evacuation center upang tiyakin ang tulong ng gobyerno tatlong araw matapos manalasa ang bagyong Yolanda sa Eastern Visayas.

“Nagkulang ba ako sa pag-unawa kung ano ang kondisyon nila, kung ano ang agam-agam nila?,” tanong niya.

Inilarawang pinakamalakas na bagyong tumama sa kalupaan, mahigit 6,400 katao ang namatay at 1.9 milyon ang nawalan ng tirahan sa Eastern Visayas dahil sa Yolanda.

Sa Zamboanga siege noong Setyembre 2013, sinabi ni PNoy na nagtungo siya sa Zamboanga sa kabila ng apela ng kanyang mga security adviser na huwag tumuloy dahil sa matinding bakbakan ng mga tropang militar at ng 200 rebelde mula sa Moro National Liberation Front.

Hindi rin niya pinayagan ang panawagan ng ilang sektor na atakehin ang MNLF fighters na gumamit ng mga human shield at nanunog ng kabahayan habang patakas.

“Dumating ako, dinalaw natin ‘yung sugatan, pinuntahan natin… Tiningnan natin ‘yung ibang sites, may briefing ‘nung tactical situation,” aniya.

Binatikos ang Pangulo sa kawalan niya ng pakikiramay at malasakit nang hindi siya dumalo sa arrivals honors para sa mga namatay na Special Action Forces (SAF) commando sa Villarmor Air Base noong 2015.

“Siguro ano eh, dapat titingnan ko lang in a positive way. Iyong mga kritiko nagkaroon ng hanapbuhay, e ‘di nakatulong din ako sa kanila, e ‘di okay na rin siguro,” sabi ng Pangulo.

Binigyang diin ni Pangulong Aquino na sa tuwina ay naging tapat siya sa kanyang tungkulin bilang Chief Executive na palaging iniisip ang kapakanan ng bansa.

“I perform my role as President. And I’d like to think every minute and every second of my presidency to include even the sleeping moments,” aniya. (PNA)