TALAGANG may malaking dahilan kung bakit laging nag-aatubili ang ilang guro sa pagtupad ng kanilang makabayang misyon bilang mga miyembro ng board of election inspectors (BEI). Hanggang ngayon, pagkatapos ng maayos at tahimik na halalan na ipinangangalandakan ng Commission on Elections (Comelec), hindi pa rin natatanggap ng mga guro ang kanilang kakarampot na honorarium na P5,000.

Totoong maliit lamang ang naturang allowance. Subalit makatutulong na ito para sa kanilang mga pangangailangan, lalo na ngayon na hindi man lamang umusad sa Kongreso ang dagdag na sahod na maraming dekada na nilang inaasam; hanggang ngayon, manhid at bingi ang kinauukulang mga awtoridad sa kanilang mga karaingan.

Totoo rin na hindi hadlang ang mistulang pagpapabaya ng mga opisyal sa matinding adhikain ng mga guro upang gampanan ang makabuluhang tungkulin na iniaatang sa kanilang mga balikat. Matagal nang napatunayan ng sambayanan ang matapat na pakikiisa ng mga guro tuwing idinadaos ang mga eleksiyon. Katunayan, may pagkakataon na nasusuong sa panganib ang kanilang buhay, lalo na kung nag-iiringan at nagbabangayan ang mga kandidato at mga kaalyado nito. At may pagkakataon na ang ilan sa kanila ay sinasampahan ng walang katuturang mga asunto, lalo na ng mga natalong mga pulitiko.

Ang nabanggit na mga nakadidismayang pangyayari ay marapat lamang na maging bahagi ng mga repormang panghalalan na ibubunsod ng Comelec. Kaakibat ito ng mga estratehiya na lubhang kailangan sa pagdaraos ng maayos, tahimik, katanggap-tanggap at matapat na eleksiyon. Makabuluhan ang isinusulong na “fine-tuning” ng automated polls. Sa gayon, mapapawi ang mga agam-agam sa sinasabing talamak na dayaan tuwing idinadaos ang mga halalan; at maiiwasan ang kabi-kabilang pagsasampa ng mga protesta hindi lamang ng mga natalo kundi maging ng mga nanalong kandidato. Higit sa lahat, magiging bahagi na ng lumipas ang istupidong pangangatwiran: Natalo kapag nadaya, at nanalo kapag nandaya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Lalong magiging kapani-paniwala ang mga halalan. Ang mga nanalo ay magiging mapagkumbaba sa tagumpay; ang mga natalo ay magiging mahinahon sa kabiguan.

Hindi dapat ipagwalang-bahala ang kalagayan ng mga kawawang guro. (Celo Lagmay)