Personal na nagtungo kahapon si dating Batangas Governor Jose Antonio Leviste sa Sandiganbayan upang maglagak ng piyansa sa kasong malversation of public funds na kanyang kinahaharap dahil sa umano’y kabiguan niyang i-liquidate ang mahigit P151,000 na kanyang ginastos sa pagbiyahe sa ibang bansa noong siya ay chairman pa ng Philippine Retirement Authority (PRA) noong 2003.

Agad na nagtungo si Leviste sa Sandiganbayan Fifth Division upang maglagak ng P40,000 piyansa matapos i-raffle ang kanyang kaso sa anti-graft court.

Ang kasong malversation laban kay Leviste ay nag-ugat sa cash advance ng PRA na umabot sa P869,180.75 na hindi umano niya na-liquidate noong 2003.

Subalit base sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman, umabot lamang sa P151,385.42 ang kanyang hindi na-liquidate sa kabila ng hiling ng Commission on Audit (CoA) hinggil dito.

Probinsya

Lalaking nambuhos ng mainit na kape sa jowa, sugatan matapos tagain at gantihan

Bukod kay Leviste, isinama rin sa charge sheet si Philip John Moreno, na noo’y Division Chief II ng PRA Financial Planning and Control Division.

Sa paghahain ng kaso sa Sandiganbayan, iginiit ng Ombudsman na dapat ding panagutin si Moreno dahil siya ang tumulong mailabas ang pondo sa kabila ng kabiguan ni Leviste na ma-liquidate ang mga nauna nitong cash advance.

Matatandaan na si Leviste ay unang sinentensiyahan ng Makati Regional Trial Court (RTC) sa pagpatay sa kanyang dating aide na si Rafael delas Alas noong 2007.

Nakalaya ang dating gobernador sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City noong 2013 matapos pagkalooban ng parole. (Jeffrey G. Damicog)