CAMP JULIAN OLIVAS, PAMPANGA – Apat na miyembro ng isang kilabot na drug group na kumikilos sa Bulacan at sa mga kalapit na lalawigan ang napatay, habang apat na iba pa ang naaresto ng Municipal Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (MAIDSOFT) ng Norzagaray Police sa ikinasang operasyon sa Barangay Bigte, Norzagaray, Bulacan, nitong Huwebes ng gabi.

Sa report kay Senior Supt. Romeo M. Caramat, Jr., acting director ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO), kinilala ang napatay na sina Michael Cervitillo Sumbillo at Reyan Quirante, at sina alyas “Allan” at alyas “Epoy”.

Nadakip naman sina Arrian Juaneza Caballes, 20; Mary Rose Umbahin Nabo, 19, tubong Makati City; Rofel Asuncion Sia, 20, tubong Tondo; at Josephine Gallego Venegas, 41, tubong Pasig City, pawang taga-San Jose Del Monte City sa Bulacan.

Ayon kay Caramat, sa pangunguna ni Supt. Rizalino Andaya, hepe ng Norzagaray Police, ay ipinatupad ang search warrant laban kay Sumbillo hanggang sinalakay ang drug den na sinasabing pagmamay-ari ng huli.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinabi ni Andaya na nakatunog ang grupo ni Sumbillo sa gagawing pagsalakay kaya pagdating ng raiding team sa lugar, dakong 10:15 ng gabi, ay pinaputukan nito ang mga pulis sa halip na sumuko.

Ayon kay Caramat, ang mga napatay ay kabilang sa top 10 drug priority target sa Bulacan.

Narekober naman ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa crime scene ang siyam na iba’t ibang baril at marami, sari-saring bala; isang granada, isang balisong, at isang maikling patalim; apat na transparent plastic sachet na may hinihinalang shabu, dalawang plastic sachet na may hininalang marijuana, isang plastic sachet na may dalawang pulang tableta; at drug paraphernalia.

Ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay tumitimbang ng nasa 20 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P40,000.

(FRANCO G. REGALA)