Umabot sa 23 katao, na karamihan ay bata, ang namatay makaraang tamaan ng diarrhea sa Sulu.
Ang naturang mga biktima ay kabilang sa 1,706 na isinugod sa Sulu Provincial Hospital, bukod pa sa mga pasyenteng dinala sa iba pang mga pagamutan sa lalawigan.
Sinabi ni Dr. Fahra Tan Omar, provincial health officer ng Sulu, na ang naturang bilang ay naitala simula Marso 1 hanggang Mayo 25 ng taon.
Sa mga dinapuan ng sakit, 1,272 dito ay mga batang edad isa hanggang 15, habang nasa 434 naman ang adult na nagmula sa 19 na munisipalidad sa Sulu.
Mayroon din mga dinapuan ng diarrhea makaraang bumisita sa probinsiya mula sa Zamboanga City, Cagayan De Oro, Tawi-Tawi at Metro Manila.
Ayon kay Omar, nagsagawa na sila ng laboratory examination sa water sample mula sa Sulu Water District at lumabas na positibo ito sa fecal coliform na nakikitang pangunahing sanhi ng diarrhea.
Hinala ni Omar, pipe leakage ang posibleng dahilan kung bakit nakontamina ang tubig ng water district.
Lumiham na sa manager ng Sulu Water District para ipaalam na kontaminado ang tubig nito, na pangunahing pinagkukunan ng mga residente.
Hindi pa tinukoy ng provincial health office kung may plano ang pamahalaang panglalawigan na magdeklara ng diarrhea outbreak. (Fer Taboy)