HINDI ito iyong paglikas ng mga isralites as Ehipto para mapanatili ang integridad ng kanilang lahi. Ito iyong tiwaling kahulugang ibinigay ng mga pulitiko sa dagsa nilang paglipat ng partido para sa kanilang pansariling interes.

Ang huling ulat ay 70 kongresista ng Liberal Party (LP) ay sumapi na sa PDP-LABAN na siyang partido ni Pangulong Digong. Katatapos pa lamang ng halalan ay nakipag-alyansa na sa PDP-LABAN ang Nationalista Party (NP), ang partido ni VP Binay na United Nationalists Alliance (UNA) at ang partido ni Sen. Grace Poe na Nationalist People’s Coalition (NPC) bago sumapit ang halalan, ang pinakamalakas at mayoryang partido ay ang LP, ngayon namang tapos na ito, ang lumobong partido ay ang PDP-LABAN na nag-umpisang napakanipis. Kaya, nasisiguro na ng PDP-LABAN na makokontrol nito ang pamunuan ng Senado at mababang kapulungan ng Kongreso, kundi ang Kongreso mismo. Kasi, ang katwiran ng mga lumipat sa PDP-LABAN, ang paraan man ay koalisyon o tahasang iniwan ang dati niyang partido, ay para masuportahan ang mga batas na nais isulong ni Pangulong Digong para sa kanyang hangaring pagbabago.

Katwiran ba ito? Tatlong presidential debate sa iba’t ibang porma ang isinagawa ng Comelec sa iba’t ibang bahagi ng bansa bago maghalalan. Ginawa ng Comelec ang mga ito upang kahit paano ay magabayan ang mamamayan sa pagpili nila ng mga susunod na tagapamuno ng bansa. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng ating pulitika, nagharap ang limang kandidato sa panguluhan na bitbit ang bandera ng kani-kanilang partido. Si Pangulong Digong, dala ang PDP-LABAN, si Sec. Mar Roxas, LP, si VP Binay, UNA, si Sen. Grace Poe, NPC at Sen. Miriam Santiago, Reform Party.

Maliwanag nilang inilatag ang kanilang plataporma, prinsipyo, at paninindigan sa mga isyung napakahalaga sa mamamayan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Isa sa mga isyung tinalakay ay ang pagpapataw ng death penalty. Si Pangulong Digong lamang ang walang kagatol-gatol na sumang-ayon dito. Bagamat pabor din si Sen. Poe, winika niya na ipapataw lang ito sa mapapatunayang sangkot sa droga. Sina VP Binay at Sec. Roxas ay tutol dito. May mga polisiyang pang-ekonomiya ang narinig nating ipaiiral nina VP Binay, Sec. Roxas at Sen. Grace Poe kung sila ang nanalo. Walang narinig ang mamamayan kay Pangulong Digong sa isyung ito. Ang tanong natin sa mga unyango, anumang uri sila, ay ito: Isasantabi ba nila ang plataporma ng kanilang partido nang tumakbo sila? Dahil ba sa nanalo si Pangulong Digong, ang nais niya ang inyong susundin kahit laban ito sa prinsipyo ng inyong partido? O kaya, mahalaga ba sa inyo ang partido o ang parti-partihan lang? (Ric Valmonte)