Tiniyak ni Senator Teofisto “TG” Guingona III na maipiprisinta ng Senate Blue Ribbon Committee ang committee report nito kaugnay ng imbestigasyon sa $81-million money laundering case bago magtapos ang 16th Congress sa Hunyo 30.
Sinabi ni Guingona, chairman ng Senate panel, na isinasapinal na nila ang report sa nasabing pagsisiyasat, na tumunton kung saan napunta ang $81-million pondo na ninakaw mula sa Central Bank of Bangladesh.
“The staff is now making it. We don’t know yet (when it would be presented) because we are still involved in the canvassing,” sinabi ni Guingona nang kapanayamin matapos ang pagdinig ng Commission on Appointments (CA).
“That has to be presented before the plenary for it to be official, Senate-approved committee report. We are rushing it. But I cannot give you assurances,” aniya.
Sinabi ni Guingona na sigurado siyang maatapos ng komite ang report bago ang deadline sa Hunyo 30 kahit pa abala ang karamihan sa mga senador sa canvassing sa Batasang Pambansa.
Ang Senado at ang Kamara ang nagsisilbing National Board of Canvassers (NBOC) sa pagbibilang ng mga boto para sa presidente at bise presidente na inihalal nitong Mayo 9. (Hannah L. Torregoza)