ANG pagkamatay ng limang katao na dumalo sa open-air concert sa parking lot ng Mall of Asia sa Pasay City nitong Sabado ay nagbigay-diin sa matinding problema ng bansa sa ilegal na droga, isang suliranin na ipinangako ni President-elect Duterte na kanyang tutuldukan sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Maaaring hindi posible na matamo ang layuning ito sa napakaikling panahon, kung ikokonsidera kung gaano kalaki ang problema, ngunit inaabangan natin ang matinding laban na inaasahang ikakasa ng bagong pangulo sa oras na maluklok na siya sa puwesto. Ang ipinangako niyang digmaan laban sa ilegal na droga ang naging dahilan kaya natuon sa kanya ang atensiyon ng bansa. Siya lamang, sa lahat ng kandidato, ang naglakas-loob na resolbahin ang problemang ito na labis na ang idinulot na perhuwisyo sa bansa.
Noong 2015, iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na 8,629 na barangay (20 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga barangay sa bansa) ang nakapag-ulat ng krimen na may kinalaman sa ilegal na droga. Nagsagawa ang PDEA ng 13,596 na anti-drug operation, kabilang ang pagbuwag sa mga laboratoryo na nagluluto ng methamphetamine, o shabu, ang ilegal na droga na pinakatalamak ang bentahan sa bansa. Nakapagsagawa rin ang PDEA ng 10,868 pagdakip sa mga operasyong ito.
Bukod sa shabu, nakakumpiska rin ang PDEA ng marijuana na itinatanim sa mga kabundukang rehiyon sa Luzon at Mindanao, ng cocaine, ng ecstasy, at ng mas kakaunting synthetic drugs, bukod sa mga pharmaceutical drug na naging popular na rin sa ilang addict. Sa pagkamatay ng limang katao sa parking-lot concert sa Pasay City nitong Sabado ng gabi, ang dalawa ay dahil sa matinding atake sa puso, naghihinala ang National Bureau of Investigation na may kumbinasyon ng pagkain, alak, at droga na nagdulot ng nakamamatay na atake sa puso.
Ang problema ng Pilipinas sa ilegal na droga ay umakit ng pandaigdigang atensiyon. Iniulat ng US State Department noong Marso na ang pinakamalaking pinanggagalingan ng methamphetamine sa Pilipinas ngayon ay ang China, ipinupuslit ng mga Chinese na grupo ng mga kriminal. Nagsisimula na ring magdatingan ang mga kontrabando mula sa Mexico. At dumarami ang mga sindikatong West African na nagbibiyahe ng ilegal na droga, ang ilan ay ipinamamahagi sa buong Southeast Asia.
Ngunit ang lumalaking problema sa ilegal na droga sa mga karaniwang tao sa bansa, sa mahihirap na lugar, partikular na sa kabataan, ang labis na ikinababahala ni President-elect Duterte. Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagtatapos noong nakaraang buwan sa Lyceum of the Philippines University, na roon siya nagtapos noong 1968, sinabi niya, “Talagang galit ako sa drugs. Forget the laws of death. Kalimutan mo muna ‘yang Revised Penal Code. Kalimutan mo muna ang mga fiscal, judge. Let us go by the divine equation of justice, karma.”
Magiging napakahirap marahil para kay President-elect Duterte na maisakatuparan ang hinahangad niya batay sa sarili niyang palugit. Subalit tiyak nang susubukan niya at ang puso ng bansa ay kaisa niya sa dakila—sana ay hindi imposibleng—misyon na ito.