Ngayong nagsimula na ang tag-ulan sa bansa, nagpaalala sa publiko ang Department of Health (DoH) laban sa mga sakit na karaniwan na tuwing madalas ang pag-uulan, na may kasunod na baha.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Health Secretary Janette Garin na karaniwan nang dinadapuan ng sakit sa baga, pananakit ng tiyan, trangkaso, diarrhea at leptospirosis ang mga tao kapag tag-ulan.
Hinimok ng kalihim ang publiko na tiyaking sapat ang oras ng tulog, regular na nag-eehersisyo, at masusustansiya ang kinakain upang matiyak na malakas ang immune system ng katawan laban sa mga nabanggit na sakit.
Sinabi pa ni Garin na mahalagang tama ang pagtatapon ng basura, partikular kapag tag-ulan, upang maiwasan ang posibilidad ng pagkakontamina ng tubig.
“Every Filipino should be responsible and make sure they practice proper waste disposal especially human waste because contaminate water sources and lead to many illnesses,” sabi ni Garin.
Pinayuhan din ni Garin ang mga magulang na panatilihin na lang sa loob ng bahay ang kanilang mga anak at huwag papayagang maglaro o lumusong sa baha.
“If they do wade in water, they should go to their nearest rural health units or public hospital so they could be given doxycycline to prevent them from preventing leptospirosis,” sabi pa ni Garin.
Ang leptospirosis ay nakukuha sa pagkakalantad o pagkakababad sa maruming tubig, gaya ng baha, na apektado ng ihi ng hayop, partikular ng daga. Maaari itong magdulot ng pagkasira sa kidney o atay, meningitis, sakit sa baga, at kamatayan.
Nagbabala rin si Garin laban sa mga aksidente sa lansangan, na madalas din tuwing tag-ulan, kung kailan madulas ang mga kalsada.
Opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes ang pagsisimula ng tag-ulan sa bansa. (SAMUEL P. MEDENILLA)