Ipinag-utos ni Pangulong Aquino sa militar at pulisya ang pagpapaigting ng operasyon upang mailigtas ang mga bihag ng Abu Sayyaf group.
Ito ang naging direktiba ng Pangulo nitong Miyerkules sa isang-oras na pulong sa Cabinet security cluster sa Malacañang sa harap ng mga ulat na pinplano ng Abu Sayyaf na muling pugutan ang isa sa mga bihag nito sa Hunyo 13.
“The President and members of the Security Cluster were given updates by the AFP (Armed Forces of the Philippines) and the PNP (Philippine National Police) on the security situation in Mindanao,” sabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr.
Dumalo sa pulong sina Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., Foreign Affairs Secretary Jose Rene Almendras, Interior and Local Government Secretary Mel Sarmiento, Justice Secretary Emmanuel Caparas, National Security Adviser Cesar Garcia, Presidential Peace Adviser Teresita Deles, at mga opisyal ng AFP, PNP, at Department of National Defense.
Una nang nagbanta ang Abu Sayyaf na pupugutan ang isa pa sa kanilang mga dayuhang bihag kung hindi mababayaran ang P600 milyon ransom hanggang sa Hunyo 13. Kumalat na rin sa Internet ang bagong video na nagpapakita sa dalawang bihag habang nagmamakaawa sa gobyerno.
Una nang pinugutan ng Abu Sayyaf ang Canadian na si John Ridsdel, na kabilang sa apat na dinukot mula sa isang resort sa Samal Island noong nakaraang taon. (Genalyn D. Kabiling)