Upang maiwasan ang constitutional crisis bunsod ng pagkakaantala sa bilangan ng boto sa mga kumandidato sa posisyon ng bise presidente, hinikayat ng mga abogado ni presumptive President Rodrigo Duterte ang kanyang nakatunggali sa pagkapangulo na si Sen. Miriam Defensor Santiago na tanggapin na ang pagkatalo nito sa nakaraang halalan.

Ayon kay Atty. Salvador Panelo, tagapagsalita ni Duterte, malaki ang maitutulong ni Santiago upang maiwasan ang constitutional crisis kung maglalabas ito ng waiver upang maiproklama na si Duterte na nagwagi sa posisyon ng pangulo ng bansa.

Nangangamba ang mga abogado ni Duterte na masyadong bumabagal ang proseso ng bilangan ng boto sa bise presidente na nakaaapekto rin sa canvassing of votes sa posisyon ng presidente bagamat nag-concede na ang mga nakalaban ng alkalde ng Davao City na sina Mar Roxas, Sen. Grace Poe at Vice President Jejomar Binay.

“If Senator Miriam would consider conceding today, the work of the joint congressional canvassing panel would be considerably eased, paving the way for presumptive president-elect Duterte’s swift proclamation,” saad sa pahayag ni Panelo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Panelo, ang kaliwa’t kanang protesta ng abogado nina vice presidential candidates Rep. Leni Robredo at Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nakahahadlang sa National Board of Canvassers para busisiin ang mga election return hindi lamang sa vice presidential race kundi maging sa presidential derby.

Naniniwala rin si Panelo na maaaring makumbinsi ni Marcos si Santiago, na kanyang running mate, na tanggapin na ang pagkatalo dahil ito ay ikalima o kulelat sa presidential race.

“Kung magko-concede si Miriam, madadali ang canvassing at proclamation (ng presidente). While it is true that constitutionally, there should be canvassing, if the four will waive the right to be present in the canvassing, then Duterte is assured of being proclaimed,” paliwanag ni Panelo. (BEN R. ROSARIO)