CAGAYAN DE ORO CITY – Isang retiradong bombero ang dinakip matapos umano niyang barilin at mapatay ang sariling asawa, na isang high school principal, sa Bukidnon nitong Martes.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Arnold Tenorio, 47, na umano’y pumatay sa asawa niyang si Florina Tenorio, 47, principal sa Casisang National High School sa Barangay Casisang, Malaybalay, Bukidnon.

Nagtamo ng tatlong tama ng bala ng .45 caliber pistol, binaril ang ginang sa loob ng campus, ayon kay Supt. Henry Dampal, hepe ng Malaybalay Police.

Hindi na umabot nang buhay sa Bukidnon Provincial Hospital ang biktima.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek at bumalik sa kanilang bahay sa Azura Subdivision sa Bgy. Casisang, na roon siya nanatili ng ilang oras bago tuluyang naaresto.

Sa una, tatlong beses na nagpaputok ng baril ang suspek habang nasa loob ng bahay nito at sumigaw na hindi siya magpapaaresto at babarilin ang sinumang magtatangkang dumakip sa kanya.

Isang kaanak ang pumasok sa bahay ng suspek at habang kinukumbinseng sumuko ang huli ay nagawa itong maposasan ng mga pulis.

“Napag-alaman sa initial investigation na madalas mag-away ang mag-asawa dahil sa problema ng suspek sa droga,” ayon kay Supt. Surki Sereñas, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-10.

Bago ang pamamaril, napaulat na ilang beses nagpahiwatig ang suspek tungkol sa kamatayan sa mga huling post niya sa Facebook sa nakalipas na mga araw.

Kalakip ng mga litrato ng libing na ina-upload ng suspek ang mga status niya tungkol sa kamatayan, depresyon, pagpapakamatay, paghingi ng tawad sa Diyos, at pamamaalam. (CAMCER ORDONEZ IMAM)