IPINANAWAGAN ni incoming President Rodrigo Duterte ang kapayapaan sa bansa, pinakiusapan ang mga rebeldeng grupo at maging ang mga tao sa pulitika na magkaayos na.
Hinimok ni Duterte ang mga tagapamuno ng Communist movement na bumalik na sa bansa at makiisa sa usaping pangkapayapaan kasama ang gobyerno. Ganoon din sa Muslim at iba pang rebeldeng grupo.
Isulong natin ang kapayapaan kung sino o kung anong lahi mayroon ang isang indibiduwal, mungkahi niya.
“You must come here. We must be talking to each other,” panawagan ni Duterte sa Communist leaders lalo na iyong mga nakabase sa Netherlands.
Inulit din ng nakaambang pangulo ang kanyang imbitasyon kay Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Ma. Sison, kasalukuyang nasa Utrecht, na bumalik na sa Pilipinas.
“If Sison wants to talk and join the government, he could,” pangako ni Duterte.
Sinabi rin ni Duterte na kung ang mga leader ng CPP at ng National Democratic Front (NDF) ay umuwi ng Pilipinas at “would be willing to talk peace, peace will come to the land.
“I suppose we can work together to have a peaceful nation. Yan ang habol ko (That’s what I’m after),” apela ni Duterte.
Kamakailan lamang, inanunsyo ni Duterte na payag siyang palayain ang mga political prisoner bilang tanda ng kabutihang loob sa CPP-NDF, kung saan, kasama ang kanilang military arm na New People’s Army (NPA), ay naging katuwang ng gobyerno sa loob ng mahigit apat na dekada.
Tuldukan na natin ang ilang dekadang puno ng paghihirap, mungkahi ng President-elect.
Inalok din ni Duterte ang ilang key agency ng gobyerno gaya ng Departments of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Social Welfare and Development (DSWD). Maaari silang direktang makiisa sa pamamahala, pahayag niya sa Communist leaders.
Pinuri na ni Sison ang sinabi ni Duterte ngunit tinanggihan niya ang kahit anong posisyon sa gobyerno.
Pumayag naman ang Muslim rebel group na makipagtulungan sa administrasyong Duterte kaugnay sa problema sa Mindanao.
Okay, pag-usapan natin ang pangkapayapaan, brother, anila. (Fred M. Lobo)