Sugatan ang dalawang katao habang tatlong barangay ang nawalan ng kuryente matapos bumagsak ang isang dambuhalang construction crane ng itinatayong gusali sa Makati City, kahapon ng umaga.

Agad dinala sa Makati Medical Center si Ramon Solatorio Romeroja, taxi driver; at isang Romeo Lopez, siklista, na kapwa nagtamo ng minor injuries sa insidente.

Sa inisyal na ulat ng Makati City Police, dakong 7:50 ng umaga nang biglang bumigay ang construction crane sa ginagawang Salcedo Sky Suite, sa ilalim ng developer na Megaworld, na nasa panulukan ng H.V Dela Costa at Tordesillas Streets sa Barangay Bel Air.

Tumama ang crane ng A.M. Oreta General Construction Company sa limang konkretong poste ng Meralco at dalawang poste ng PLDT sa lugar.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Nabagsakan naman ng konkretong poste ng Meralco ang bubungan ng isang Toyota Avanza taxi (UWG-660) na minamaneho ni Solatorio habang natabunan ng sangkaterbang kable ang nagbibisikletang si Lopez at ang nakaparadang itim na Toyota Corolla Altis.

Libu-libong residente ang naapektuhan sa pagkawala ng supply ng kuryente sa mga barangay ng Bel Air, Guadalupe Viejo at Urdaneta dahil sa insidente.

Humingi ng paumanhin ang construction firm sa mga naapektuhan ng pangyayari at sinabing nagsasagawa na ito ng sariling imbestigasyon, at makikipagtulungan sa pagsisiyasat ng awtoridad. (Bella Gamotea)