Sinimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang imbestigasyon sa umano’y pagmamaltrato ng isang bus driver at konduktor ng BOVJEN bus (TXV-135) sa dalawang pasahero na kapwa pipi’t bingi na naging viral sa social media.
Ayon sa Facebook post ng isang Welzki Valencia, nakaupo siya sa harapang bahagi ng BOVJEN bus na papuntang Baclaran, Parañaque City mula Sta. Maria, Bulacan nang iabot ng dalawang pasahero na pipi’t bingi ang isang papel na nakasulat ang “Saan po ang Taft?”
Ipinakita rin ng dalawang pasahero ng kanilang person with disability (PWD) identification card kasabay ng pagbabayad ng pasahe sa konduktor.
Kita sa Facebook video na tinanggap ng driver ang ID ng dalawang PWD subalit hindi umano ito kinilala.
Nang namatigan si Valencia upang mabigyan ng konduktor ng fare discount na 20 porsiyento na naaayon sa batas ang dalawa, bigla na lang nagalit ang driver at konduktor sa kanya.
At nang makarating ang bus sa Pasong Tamo Street sa Makati, puwersahang pinababa ng konduktor ang dalawang PWD bagamat sa Taft Avenue ang destinasyon ng mga ito.
“Hindi dapat ganon ang inasal ng driver at konduktor. Ang mga PWD ay ating mga kapatid na nangangailangan ng special attention, hindi dapat sila iniisahan,” pahayag ni LTFRB Board Member Ariel Inton.
Inatasan ni Inton ang operator, driver at konduktor ng naturang bus na sumipot sa LTFRB bago sumapit ang Hunyo 1 umang sumailalim sa imbestigasyon hinggil sa insidente. (Czarina Nicole O. Ong)