JAKARTA (AFP) – Inaprubahan ng pangulo ng Indonesia nitong Miyerkules ang mabigat na bagong parusa laban sa child sex offenders, kabilang ang maximum penalty na bitay at chemical castration, matapos ang brutal na gang-rape at pagpatay sa isang batang mag-aaral.

Ang mga convicted pedophile ay maaari ring pagsuotin ng electronic monitoring devices matapos lumaya sa kulungan sa ilalim ng bagong batas na ipinakilala bilang emergency decree.

“This regulation is intended to overcome the crisis caused by sexual violence against children,” pahayag ni President Joko Widodo nitong Miyerkules ng gabi sa presidential palace sa Jakarta.

“Sexual crimes against children are extraordinary crimes, because they threaten the lives of children.”

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Agad na magkakabisa ang presidential decree, ngunit maaari pa itong bawiin ng parliament.

Kumilos si Widodo matapos ang pagpatay at gang-rape noong Abril sa isang 14-anyos na babae na hinarang ng isang grupo ng mga lasing na kalalakihan habang pauwi mula sa paaralan sa kanlurang isla ng Sumatra.

Natagpuan ang lasug-lasog nitong katawan makalipas ang tatlong araw sa isang kakahuyan, nakatali at walang saplot.

Pitong binatilyo, may edad 16 at 17, ang ikinulong nitong unang bahagi ng buwan kaugnay sa krimen.

Ang atake ay nagbunsod ng pambansang debate sa sexual violence, na nauwi sa mga panawagan ng mas mabigat na parusa sa mga child sex offender at mga protesta sa kabiserang Jakarta.

Ang kaso ay inihalintulad sa fatal gang-rape ng isang estudyante sa loob ng isang bus sa Delhi, noong 2012, na nagbunsod ng malawakang protesta at nagresulta sa muling pagrepaso sa rape laws ng India.

Sa ilalim ng lumang batas ng Indonesia, ang maximum sentence para sa rape – pati na sa mga bata – ay 14 taong pagkakakulong.