CEBU CITY – Isang 16-anyos na lalaki ang hindi nakalabas sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Basak San Nicolas, pasado hatinggabi kahapon.
Natagpuan ng mga bombero ang sunog na bangkay ni Jomarie Dihagan ilang araw matapos ang sunog, na nagsimula dakong 12:15 ng umaga kahapon.
Ayon sa paunang imbestigasyon, natutulog ang binatilyo sa bahay ng kanyang tiyahing si Cherry Dihagan nang mangyari ang trahedya.
Agad na nakalabas ng bahay at nakaligtas sa sunog si Cherry.
Nadamay din sa sunog ang isang bahay na kalapit ng bahay ni Cherry.
Sinabi ni Cebu City fire investigator Edwin Jandayan na posibleng naiwan ng binatilyo na nakasindi ang isang kandila sa altar at ito ang pinagmulan ng pagliliyab.
Nagsindi ng kandila ang pamilya para sa ama ng binatilyo na kamamatay lang kamakailan.
Naapula ang sunog makalipas ang 15 minuto, at napinsala ang nasa P80,000 halaga ng ari-arian. (Mars W. Mosqueda, Jr.)