Matapos ang maaksiyong pagbubukas ng 2016 World Slasher Cup-2 8-Cock Invitational Derby kahapon, 120 kalahok naman ang magpapasiklab ng world-class na labanan sa Smart Araneta Coliseum ngayon.

Magsisimula ang laban ganap na 10:00 ng umaga, ang unang pangkat ng mga sabungerong nagharap sa unang elimination round ay muling magbabanggaan sa 2-cock semis bukas.

Kinabibilangan ang pangkat na ito ng 140 banyaga at lokal na mga kalahok.

Matinding aksiyon ang sisiklab sa pagitan nina Atong Ang, Nene Araneta, Gov. Ito Ynares, father & son tandem nina Jet at Jeol Fernando, James Uy, Peping Ricafort, Joey delos Santos, Mayor Cito Alberto, Biboy Enriquez, Ed Aparri, Mayor Jesry Palmares, Raymond Velayo, Allan Syiaco, Arjay Mea, Pol Estrellado, at Engr. Tony Marfori.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Ang mga Amerikano naman ay bitbit ang matatag na kampanya na tangkang ilipad ang kopa patungong Estados Unidos.

Ang powerhouse na delegasyon ng mga kano ay kinabibilangan nina Roger Roberts, Larry Whitehead, Ray Alexander (Alabama), Damom Yorkman (Oklahoma), Jorge “Goy” Goitia (California), Rene Medina (California), Butch Cambra (Hawaii), Macky Quinit (Alaska), Peter Elm (Guam), at dating World Slasher champion James Wolf.

Tiyak na world-class na aksiyon naman ang hatid ng mga signature na sasabungin nina Keith Cargill, Rat Graves, Tammy Shive, Jimbo Cox, Dink Fair, Carol Nesmith, at Gene Batia.

Ang mga ito ay ilalaban ng kanilang mga lokal na kapareha sa bansa.

Malakas din ang kampanya para 2016 World Slasher Cup-2 ng mga kalahok mula sa iba pang panig ng mundo.

Banta ring ilipad ang kopa nina Greg Berin (Australia), Ariff Timbong (Indonesia), Joey Melendres (Australia), at Sohan (Indonesia).

Ang 2-cock semi-finals ay nakatakda sa Mayo 28 at 29, kung kailan lahat ng kalahok, kabilang ang mga nagtamo ng dalawang talo sa eliminations, ay maaari pang isulong ang kampanya.

Maghaharap sa 4-cock pre-finals sa Mayo 30 at 31 ang mga kalahok na may iskor 2, 2.5 at 3 puntos.

Maaaring masungkit ang titulo ng alinmang kalahok na may 3 puntos kung ang nakatakda niyang laban ay maipanalong lahat, at walang makapagrehistro ng perpektong puntos sa panahon ng grand finals.

Ang pinakaaabangang 4-cock grand finals ay nakatakda sa Hunyo 1 kung kailan ang mga kalahok na may iskor na 3.5 at 4 puntos ay mahigpit na paglalabanan ang titulo sa nakakayanig na mga salpukan.

Umabot sa 260 ang bilang ng mga kalahok sa World Slasher Cup-2 ngayong taon. Hinigitan ang bilang ng mga kalahok sa alinmang mid-year edition sa kasaysayan ng prestihiyosong torneo.

Saksi sa 2016 World Slasher Cup-2 bilang media partners ang Supersabong, SabongTV, Sabongnation, Chicken Talk, Bakbakan Na, Gamefowl Magazine, Sabong Star, Fightingcock, at Cockpihan – Usapang Sabong sa Radyo.

Sa paanyaya ng Pintakasi of Champions, ang 2016 World Slasher Cup-2 ay suportado ng Thunderbird Platinum, Thunderbird Bexan XP, Petron, Bmeg, at Manila Broadcasting Company.