Arestado ang 10 mangingisdang Chinese matapos mamataan ng Philippine Coast Guard (PCG) habang nangingisda gamit ang bandila ng Pilipinas sa kanilang barko, sa karagatan ng Cagayan Valley nitong Miyerkules ng gabi.

Sinabi ni Capt. Allen Toribio, commanding officer ng MCS 3007 vessel ng Coast Guard, na nagkahabulan pa ang dalawang grupo matapos tangkain ng Chinese vessel na tumakas makaraang tamaan ang barko ng PCG.

“Noong una, akala namin na ito ay local vessel dahil ito ay may marking ng ‘Subic’ at gumagamit ng bandila ng Pilipinas. Subalit nang aming lapitan, nalaman namin na ito ay pinatatakbo ng Chinese crew,” ayon kay Toribio.

“Nagpanggap sila na sakay sila sa locally-registered vessel upang makaiwas sa Philippine authorities,” dagdag ni Toribio.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Rumadyo ang MCS 3010 vessel ng Coast Guard sa MCS 3007 upang humingi ng tulong habang hinahabol nito ang Chinese vessel. Patungo sana ng Babuyan Island ang MCS 3007 subalit nagmaniobra ito upang tumulong sa paghabol sa Chinese vessel matapos mabangga at masira nito ang unang bahagi ng MCS 3010.

Sinabi ni Toribio na kakasuhan nila ng illegal poaching ang 10 Chinese dahil sa pangingisda sa karagatan ng Pilipinas. Natagpuan din sa loob ng Chinese ship ang malaking bulto ng black coral na itinuturing na endangered species. (Raymund F. Antonio)