World-class na mga labanan ang nakatakda simula ngayong araw sa pagbubukas ng 2016 World Slasher Cup-2 8-Cock Invitational Derby sa Smart Araneta Coliseum.
Magsisimula ang aksiyon ganap na 10:00 ng umaga.
Nakatuon ang pansin kay 2015 World Slasher Cup-2 solo champion Joey Sy na may malakas na kampanya para idepensa ang kanyang titulo.
May tiyak na 260 kalahok, ang unang pangkat na magpapayanig ng matitinding aksyon ay kinabibilangan ng 140 foreign at local entries.
Pinangungunahan nina Roger Roberts at Larry Whitehead ang delegasyon ng mga Amerikanong kakatawanin ng kanilang mga local counterparts bitbit ang signature breed nina Keith Cargill, Rat Graves, Tammy Shive, Jimbo Cox, Dink Fair, Carol Nesmith, at Gene Batia.
Kabilang sa grupong Kano ay sina Ray Alexander (Alabama); Damon Yorkman (Okalahoma); Jorge “Goy” Goitia (California); Rene Medina (California); Butch Cambra (Hawai); Macky Quinit (Alaska; Peter Elm (Guam) at former Slasher champ James Wolf.
Ang iba pang dayuhang sasabak ay sina Greg Berin (Australia); Ariff Timbong (Indonesia); Joey Melendres (Australia) at Sohan (Indonesia) .
Nakakasa naman upang hadlangan ang kampanya ng mga Amerikano para sa kopa ang mga Pilipinong naging kampeon ng World Slasher Cup.
Kabilang sa mga ito sina 2016 World Slasher Cup-1 co-champions Engr. Sonny Lagon at Atty. Art de Castro; Rey Briones (3-time); Dicky Lim (3-time); Cavite Pride Gen-Gen Arayata; dating congressman Larry Wacnang; Rafael “Nene” Abello (2-time); Boy “Lechon” de Roca (2-time); Rep. Patrick Antonio; at Gerry Ramos.
Matitinding aksiyon din ang inaabangan mula sa mga kilala at malalaking bituin ng sabong kagaya ni Atong Ang.
Magaganap ang world-class na mga labanan sa dalawang magkahiwalay na 2-cock eliminations na nakatakda sa Mayo 26 at 27, at 2-cock semi-finals sa Mayo 28 at 29.
Tuloy ang matitinding aksiyon sa 4-cock pre-finals sa pagitan ng mga kalahok na may 2, 2.5 at 3 puntos na magaganap sa Mayo 30 at 31.
Ang pinakaaabangang 4-cock grand finals ay nakatakda sa Hunyo 1 kung kailan ang mga kalahok na may 3.5 at 4 puntos ay mahigpit na paglalabanan ang titulo sa nakakayanig na mga salpukan.
Sa paanyaya ng Pintakasi of Champions, ang 2016 World Slasher Cup-2 ay suportado ng Thunderbird Platinum at Thunderbird Bexan XP, Petron, Bmeg at Manila Broadcasting Company.