SA diwa ng kanyang pagbisita sa Cuba noong Disyembre, nagtungo si United States (US) President Barack Obama sa Hanoi, Vietnam, nitong Lunes. Matapos na tuldukan ng pagbisita sa Cuba ang limang-dekladang Cold War sa pagitan ng magkalapit na bansa sa Western Hemisphere, layunin naman sa pagbisita sa Hanoi na gawing bagong katuwang sa pagsusulong ng kapayapaan sa bahagi nating ito sa mundo ang dating kaaway ng Amerika sa Vietnam War noong 1958-1975.
Ang Vietnam War ang sinasabing pinakamatagal na digmaan sa kasaysayan ng Amerika at pinagwatak-watak nito ang mga Amerikano nang mga panahong iyon. Napakaraming sundalong Amerikano ang nasawi sa paglalaban na nagsimula noong 1958, nang suportahan ng Amerika ang South Vietnam laban sa mga mapanakop na North Vietnamese na naghahangad na mapag-isa ang bansa sa pagtatapos ng pananakop dito ng France. Noong 1968, pagkatapos ng Tet Offensive ng North, mismong ang mga Amerikano sa kanilang bansa ay mariing tumutol sa giyera, at nagkaroon ng malawakang protesta kontra digmaan sa mga kolehiyo sa Amerika.
Maging ang Pilipinas ay nakibahagi sa Vietnam War, nang magpadala si Pangulong Ferdinand Marcos ng 2,000 “combat engineers” na nagsilbing tugon sa alok na ayuda ng Amerika, kabilang ang ilang patrol boat, armas, at bala para sa isang batalyong combat team, at mga gamit para sa engineer construction battalion. Sinasalamin ang tumitinding oposisyon sa digmaan ng Amerika, labis ding pinulaan ng mga pinuno ng oposisyon sa ating bansa ang pakikibahagi ng Pilipinas sa giyera.
Nang magwakas ang digmaan sa pagsuko ng South noong 1975, nasa 58,000 buhay ng mga Amerikano ang nabuwis, habang may 350,000 naman ang nasugatan. Nasa isa hanggang dalawang milyon naman ang nasawi sa panig ng mga Vietnamese, ngunit napagwagian nila ang labanan, na sinasabing una at nag-iisang pagkakataon na nabigo ang Amerika sa digmaan.
Ang lahat na ito ay bahagi na lang ng kasaysayan. Ngayon, ang Pilipinas at ang Vietnam ay kapwa miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na may iisang layunin na protektahan ang kani-kanilang interes sa South China Sea. May memorandum of understanding ang dalawang bansa para sa pagbabahagi ng impormasyon ng Philippine Navy at ng Vietnam People’s Navy. Noong Nobyembre, dalawang barko ng Vietnamese Navy ang nagsagawa ng port call sa Manila South Harbor bilang goodwill visit. Ang Vietnam ang tinaguriang nag-iisang Komunistang militar na kaalyado ng Pilipinas.
Sa pagsisimula ng kanyang tatlong-araw na pagbisita sa Hanoi nitong Lunes, sinabi ni President Obama kay Vietnamese President Tran Dai Quang na ang kanyang pagdalaw ay simbolo ng pagpapaigting ng ugnayan ng dalawang bansa sa nakalipas na mga dekada. Inihayag ni President Obama na binabawi na nito ang isang US arms embargo, ang huling marka ng digmaan sa pagitan ng dalawang bansa. Itinuturing na ngayon ang Vietnam bilang mahalagang sandigan sa pagpapanatili ng Amerika ng presensiya nito sa Asia-Pacific region.
Mula sa pagiging mortal na magkaaway hanggang sa maging mabuting magkaibigan, magkatuwang sa kalakalan, at magkaalyadong pangrehiyon para sa kapayapaan at seguridad sa bahagi nating ito sa mundo—ito ang kuwento ng ugnayang Amerika-Vietnam, at ang makasaysayang pagbisita ni President Obama ngayong linggo ay higit na nagpatingkad sa bumubuting relasyon, pagtutulungan at unawaan ng dalawang bansa.