Sa kabila ng dinanas na aksidente sa ikalima at huling stage, nakuha pa ring tumapos sa ikalawang puwesto sa overall team classification ang Philippine Continental Team 7-Eleven Sava Roadbike sa katatapos na Tour de Flores sa Indonesia.
Isa- isang sumemplang ang top rider ng koponan na sina Marcelo Felipe, Edgar Nieto at Ryan Cayubit sa palusong na bahagi ng 121 kilometrong karera mula Ruteng hanggang Labajon, Bajo, may 30 kilometro pa ang layo sa finish line habang kasama ng breakaway group.
Dahil dito naiwan sila ng grupo at tumapos lamang na ika-13 at ika-15 sa Stage sina Felipe at Nieto, walong minuto at 20 segundo ang layo sa stage winner na si Benjamin Pradesh ng Team Ukyo.
“Kung hindi sila sumemplang baka mas tumaas pa yung puwesto nila sa individual classification,” pahayag ni team director Ric Rodriguez.
Nagtapos si Felipe sa 2.2 UCI classified race na ikawalo sa overall individual classification, 12 minuto at 10 segundo ang layo sa nagkampeong si Daniel Whitehouse ng Terengganu- Malaysia.
Sumunod sa kanya si Nieto na tumapos sa ika-13 at si Cayubit na ika-15.
Nakatapos din sa karera ang dalawa pa nilang kakampi na sina Baler Ravina at Dominic Perez sa ika-21 at ika-50, ayon sa pagkakasunod. (Marivic Awitan)