Iniluklok bilang bagong pangulo ng Asian Chess Confederation (ACC) si National Chess Federation of the Philippines (NCFP) chief Prospero Pichay, Jr.

Ayon kay NCFP Executive Director at Grandmaster Jayson Gonzales, ang pagbibigay ng mandato sa dating Surigao City Congressman ay naganap sa isinagawang ACC convention kamakailan sa Singapore City, Singapore.

“Nagbitiw sa posisyon ang presidente na si Utut Adianto ng Indonesia for reasons that he is too occupied sa kanyang federation, sa business at pati sa family. So the Board decided to elect a new president at si Congressman Pichay ang unanimous na ibinoto,” sabi ni Gonzales.

Magsisilbi si Pichay bilang pangulo ng Asean Chess Confederation Management Board para sa buong termino ng 2016 hanggang 2018 habang uupo na lamang bilang deputy president si Adianto at Maung Maung Lwin na mula sa Myanmar.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

Kabilang naman si Gonzales sa mga nahalal na isa sa apat na vice-president ng organisasyon kasama sina Dang Tat Thang ng Vietnam, Sahapol Nakvanich ng Thailand, at Win Aung ng Myanmar, habang itinakda bilang Secretary-General si Panupand Vijjuprabha mula sa Thailand at Deputy Secretary-General si Red Dumuk ng Pilipinas.

Ang Treasurer-General ay si Nguyen Phuoc Trung ng Vietnam, habang Honorary Auditor si Mrs. May Hui na mula naman sa Singapore. (Angie Oredo)