Kritikal ngayon ang isang caretaker matapos siyang saksakin ng matagal na niyang kagalit makaraan siyang makipaglamay sa isang kapitbahay sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Nakaratay ngayon sa Valenzuela City Medical Center si Darwin Data, 32, ng No. 4215 Bautista Street, Barangay Mapulang Lupa, ng nasabing lungsod, dahil sa malalim na saksak sa ilalim ng puwet.
Kaagad namang tumakas ang suspek na si Jayson King De Guzman, 26, kalugar ng biktima at ngayon ay nahaharap sa kasong attempted murder.
Ayon kay PO3 Michael Oxina, ng Station Investigation Unit (SIU), dakong 1:00 ng umaga nang magpasyang umuwi si Data kasama ang pinsang si Benjie matapos makipaglamay sa may Papa Street, sa Bgy. Mapulang Lupa.
Napadaan sa tindahan ang magpinsan nang biglang sumulpot si De Guzman at galit na kinompronta si Data, pero naawat sila ni Benjie.
Naglalakad pauwi ang magpinsan nang hindi nila napansin ang pagsunod ng suspek hanggang sa saksakin nito sa likod ang biktima at tumakas.
Tinutugis na ngayon ang suspek. (Orly L. Barcala)