Hiniling ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Department of Education (DepEd) na ikonsidera ang pagsasama ng traffic education and principles ng ahensiya sa high school curriculum upang bigyang impormasyon ang lahat ng Pilipino sa mga alituntunin sa trapiko at tiyakin na ligtas ang publiko sa paggamit ng kalsada.
Kabilang din sa pag-aaralan sa subject ang tamang lugar para sa mga pasahero/commuter na gagamit ng pampublikong transportasyon, at ang kaligtasan ng mga pedestrian na karaniwang binabalewala ng mga motorista.
Sa pahayag ni MMDA Chairman Emerson Carlos, sinabi niyang marami sa mga gumagamit sa kalsada ang ignorante o hindi sapat ang kaalaman at kamalayan sa mga umiiral na road rules and regulations.
Kinumpirma ni Carlos na ilang taon na ang lumipas nang magsumite ng modules sa DepEd ang University of the Philippines' National Service Training Program (UP NSTP) at Automotive Association of the Philippines.
Sa ngayon, tanging sa mga driving school at sa mga kumukuha ng lisensiya lamang itinuturo ang traffic education.
(Bella Gamotea)