Lumabag si incoming President Rodrigo Duterte sa Magna Carta of Women (Republilc Act 9710) kaugnay ng binitiwan nitong rape joke sa isa nitong campaign rally noong nakaraang buwan.

“The CHR, in the dispositive part of the resolution found the words and actions of Mayor Duterte to be discriminatory of women that is enjoined by the Magna Carta of Women,” inihayag kahapon ng Commission on Human Rights (CHR).

Gayunman, inihayag ng CHR na ibinibigay na nila ang desisyon sa Civil Service Commission (CSC) at sa Department of Interior and Local Government (DILG) kung gagawa ng aksiyon ang mga ito laban kay Duterte, na maluluklok bilang ika-16 na pangulo ng bansa sa Hunyo 30.

Inilabas ng CHR ang pahayag nito bilang tugon sa reklamo ng mga kinatawan ng Coalition Against Trafficking in Women-Asia Pacific (CATW-AP), World March of Women (WMW)-Pilipinas, Lilak (Purple Action for Indigenous Women’s Rights), WomanHealth Philippines, Kasarian-Kalayaan (SARILAYA), Sagip-Ilog Pilipinas, Sentro ng Manggagawa ng Pilipinas (SENTRO), Labor Education and Research Network (LEARN), at PILIPINA-Ang Kilusan ng Kababaihang Pilipino.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Matatandaang nitong unang bahagi ng Abril ay naging viral sa social media ang pagbibiro ni Duterte sa isang campaign sortie tungkol sa isang babaeng Australian lay missionary na na-gang rape at pinatay sa loob ng Davao jail noong 1989 habang nagsasagawa ng religious mission.

Alkalde na ng Davao City si Duterte nang mga panahong iyon.

“Nagalit ako, kasi ni-rape? Oo. Isa rin ‘yun. Pero napakaganda, dapat mayor muna ang nauna. Sayang,” sabi ni Duterte sa harap ng mga nagtipun-tipon sa kanyang kampanya. (Rommel P. Tabbad)