INIHUDYAT na ng sunud-sunod at malalakas na pag-ulan ang pagdating ng La Niña na tanda naman ng pamamaalam ng El Niño. Hindi na natin kailangang maging isang ekspertong weather forecaster upang matiyak ang pagsisimula ng tag-ulan na karaniwan namang dumarating tuwing Mayo. Kaakibat nito ang paghahanda sa nakababahalang epekto ng pabagu-bagong klima o climate change.
Dinanas na natin ang matinding abalang idinulot ng El Niño; pinahirapan tayo ng mahabang tagtuyot na naging dahilan ng pagkapinsala ng mga pananim, partikular na ang mga palay at mais; masyadong maalinsangan ang panahon na naging dahilan naman ng iba’t ibang karamdaman, kagaya ng ng heat stroke na ikinamatay ng ilan nating mga kababayan. Isipin na lamang na naranasan sa Metro Manila ang pinakamainit na temperatura sa kasaysayan ng naturang rehiyon.
Pati ang ating mga dam hindi lamang sa Luzon kundi maging sa Mindanao ay halos masaid sa imbak na tubig.
Kinailangang maglunsad ng mga awtoridad ng puspusang cloud-seeding operation upang bumuhos ang ulan, kahit paano; nagpatupad din ng halos sapilitang water saving program upang makatipid sa tubig, lalo na ang drinking water; pinanatiling sapat ang water supply ng La Mesa at Angat Dam na pinagkukunan ng tubig na itinutustos sa Metro Manila at iba pang karatig lugar.
Halos ganito rin ang mga paghahanda na dapat nating isagawa sa pagpaparamdam ng La Niña. Marapat na simulan kaagad ng kinauukulan ang paglilinis ng mga baradong estero; ang tambak na mga basura ang malimit na nagiging dahilan ng epidemya ng iba’t ibang sakit. Walang humpay na anti-dengue spray ang kailangang ilunsad sa mga komunidad, kabilang na ang mga kabahayan.
Kailangang tiyakin na gumagana ang mga pumping station sa Metro Manila, lalo na sa Marikina river banks. Sa naturang lugar karaniwang nanggagaling ang malaking kantidad ng tubig na nagpapabaha sa Kamaynilaan na minsang naging dahilan ng kamatayan ng marami nating mga kababayan.
Dapat nating tiyakin na maayos ang electrical connection sa ating mga tahanan at masigurong ligtas itong gamitin kapag biglang bumagsak ang malakas na ulan. Kailangan ang ibayong pag-iingat sa epekto ng La Niña. (Celo Lagmay)