Bilang bahagi ng paghahanda sa posibilidad ng biglaang paglindol sa Metro Manila, hinimok ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga lokal na pamahalaan na tukuyin ang mga evacuation area sa kani-kanilang lugar.

Sinabi ni Edward Gonzales, hepe ng MMDA Rescue and Emergency Group, na maraming taga-Metro Manila ang clueless sa kung saan ligtas na magtutungo kapag lumindol.

“We are calling on LGUs (local government units) to look for open spaces in their areas to be designated as evacuation centers where families can seek refuge,” sabi ni Gonzales.

Aniya, hinati-hati ang Metro Manila sa apat na bahagi at natukoy na rin ang mga command at control center.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Isasagawa ng ahensiya sa Hunyo 22 ang isang shake drill upang matukoy ang pagiging epektibo ng Oplan Metro Yakal Plus, ang disaster contingency plan ng gobyerno.

Bilang bahagi ng paghahanda nito, permanente nang nagtalaga ang MMDA ng 20-foot container van sa apat na quadrant sa Metro Manila bilang command at control center nito.

Sa kasalukuyan, ang East Quadrant command center ay nasa LRT-2 train depot sa Santolan, Pasig City; ang North Quadrant ay sa Veterans’ Memorial Medical Center sa Quezon City; ang South Quadrant ay sa Villamor Airbase sa Pasay City; at ang West Quadrant ay sa Intramuros Golf Course sa Maynila.

Ang mga container van, na babantayan 24-oras ng mga tauhan ng MMDA, ay may mga gamot, extrication equipment, mga tent at iba pang kagamitan sa rescue at emergency response, aniya. (ANNA LIZA VILLAS- ALAVAREN)