Mas magiging malawak ang exposure sa social media ng limang pangunahing tourist destination sa Pilipinas makaraang makumpleto ng award-winning creative technology agency na Beautiful Destination (BD) ang familiarization tour nito sa bansa.
Inisponsoran ng Department of Tourism (DoT), naglakbay ang five-man team ng BD sa Cebu, Bohol, El Nido sa Palawan, Maynila, at Hundred Islands sa Pangasinan nitong Mayo 11-24 upang lumikha ng visual content, na ipo-post sa Facebook, Instagram at Snapchat accounts ng BD.
Ang mga video na kuha sa nasabing paglalakbay ay napapanood din sa labas ng Philippine Center sa 556 Fifth Avenue, New York sa Amerika.
Inaasahang sa pamamagitan ng proyekto ay mas marami pang dayuhang turista ang mahihikayat na bumisita sa Pilipinas, dahil mapapanood ang nasabing familiarization tour ng 10 milyong subscriber ng BD sa mahigit 180 bansa.
“The Philippines is among the top trending content in our Instagram account since we started in 2012, getting between 120,000 to 150,000 likes for the first 24 hours,” saad sa pahayag ni BD Founder at CEO Jeremy Jauncey.
(Samuel Medenilla)