SA wakas, nagsalita na rin si Pastor Apollo Quiboloy, founder ng Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name, at itinanggi na siya ay nagtatampo o nasasaktan kay President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) dahil hinaharang umano siya ng innner circle o cordon sanitaire nito. Papaano ito kaibigang Mike Abe, spokesman ni Pastor Apollo, hindi naman pala siya nagtatampo, dahil mula nang matapos ang halalan ay hindi na raw niya nakausap si RRD?

Si Quiboloy ang nagpahiram sa machong alkalde ng jet at helicopter para masakyan sa pangangampanya sa iba’t ibang parte ng bansa. May hinalang nais ng pastor na kausapin siya o konsultahin ng matalik na kaibigan tungkol sa paghirang sa magiging miyembro ng kanyang Gabinete. Nang makarating kay President Rody na nagtatampo ang kaibigan, kalaro (sa golf) at kasama sa pagmomotorsiklo (KKK) na si Apollo, sinabi niyang “Nagwawakas ang pakikipagkaibigan ko sa mga kaibigan kung saan nagsisimula ang interes at kabutihan ng aking bayan.”

Si Mang Rody ay maituturing na political phenomenon, isang political toughie na ginulat ang sambayanang Pilipino, kabilang ang Simbahang Katoliko, mga kritiko at ang mga nasa alta-sosyedad, nang talunin niya ang mga kalaban na may pambansang katayuan at puwesto. Para siyang isang sanggano na bumangga sa mga disente at edukadong karibal. Iba na talaga ang mga botante ngayon.

Palamura, babaero, pangahas ang dila at prangkang magsalita at hindi iniintindi kung makasasakit sa kapwa, nangako si RRD na sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, lilipulin niya ang ilegal drugs, itutumba ang mga kriminal at ipakakain sa isda ang kanilang mga bangkay upang hindi pamarisan. Tahasang sinabi ni presumptive president-elect Duterte (ito ang tawag sa kanya ni US Pres. Barack Obama), bubuwagin niya ang Kongreso kapag hindi nakipagtulungan ang mga senador at kongresista sa kanya. Magtatayo siya ng isang revolutionary gov’t upang maipatupad ang mga pagbabago sa bansa, tatabasin ang ulo at galamay ng ilegal drugs, iaangat ang kalagayan sa buhay ng mga nasa laylayan ng lipunan (parirala ito ni Leni Robredo), at ganap na lilinisin ang gobyerno sa talamak na kurapsiyon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Papaano ang due process at ang Constitution?

Umaasa ang mga Pinoy na sa tulong ni Gen. Bato o bagong PNP Chief Director General Ronaldo dela Rosa, mawawala na ang ilegal drugs sa bansa sa loob ng 3-6 buwan, gaya ng pangako niya o siya ay magbibitiw at ibibigay ang panguluhan sa kanyang bise-presidente (kabuwenas naman ni beautiful Leni). Nagbabala si Bato o Vin Diesel sa mga drug lord/trafficker na magsilayas sa ‘Pinas sapagkat sasagasaan niya sila. Imagine, ang drug lord-pushers ay nakapagnenegosyo kahit sa loob ng bilangguan at may mga laboratoryo pa sa mga high-end na subdibisyon.

Marahil ay tama ang layunin ni RRD na ibalik ang death penalty upang makatulong sa pagsugpo sa paglaganap ng bawal na gamot at mga krimen. May separasyon ng kapangyarihan ang Simbahan at Estado. Ang Simbahan ay para sa espirituwal, ang Estado ay para sa kaayusan at katahimikan. Hindi ba’t maging si Kristo ay nagsabi noon na “Ibigay ang para kay Caezar, at ibigay ang para sa Panginoon.” Samakatuwid, tungkulin ng Estado na pairalin ang gustong death penalty nang hindi aakusahan na ang buhay ng isang tao ay tanging ang Diyos lang ang maaaring bumawi! (Bert de Guzman)