PARIS (AP) — Wala pang defending champion na natalo sa opening round ng French Open. Muntik na si Stan Wawrinka.
Nangailangan ng matinding pagbangon ang defending champion para malusutan si 59th-ranked Lukas Rosol ng Czech Republic, 4-6, 6-1, 3-6, 6-3, 6-4, nitong Lunes (Martes sa Manila) sa opening round ng naantalang French Open sa Roland Garros.
“I know that physically I’m stronger than he is, and I knew that he was going to decline a little bit,” sambit ng No. 3-seeded na si Wawrinka.
“That’s exactly what happened.”
Tulad niya, dumaranas din ng hirap si No. 2 Andy Murray na natalo sa unang dalawang set sa 128th-ranked qualifier at pinakamatandang player sa edad na 37 na si Radek Stepanek.
Itinigil ang laban dahil sa pagdilim. Naantala ang maraming laro sa unang araw ng torneo bunsod ng pag-ulan.
Nakabawi ang dating two-time champion sa third set, 6-0, matapos matalo sa 6-3, 6-3 bago itinigil ang laban.
“How many things can he do to slow the play down?” sambit ni Murray, patungkol sa tila istilong ginagawa ni Stepanek para maantala ang laro.
“Keep an eye on how long this toilet break is,” reklamo niya.
Matapos mag toilet break, nagpalit muna ng damit si Stepanek, sapat para patawan siya ng babala ng umpire.
Tila epektibo naman ang kanyang istilo dahil inabot ng dilim ang laro dahilan para itigil ito at ipagpatuloy sa susunod na araw.
Nasilat naman si 2014 U.S. Open champion Marin Cilic kay 166th-ranked qualifier Marco Trungelliti ng Argentina, 7-6 (4), 3-6, 6-4, 6-2.
May apat na seeded sa women’s division ang maagang nasibak kabilang si No. 7 Roberta Vinci, ang Italian na bumigo sa kampanya ni Serena Williams na Grand Slam sa nakalipas na U.S. Open.