ANG paggamit sa lahat ng fossil fuel reserves ay walang dudang magwawasak sa Earth, mas hindi akmang sumuporta ng buhay kaysa pagtaya ng mga siyentista.

Ang karaniwang temperatura ay aakyat sa 9.5 degrees Celsius (17 degrees Fahrenheit)—limang beses na mas mataas sa sukdulan ng global warming na itinakda sa climate talks sa Paris noong Disyembre, ayon sa mga siyentista.

Sa Arctic region—na ang init at higit pa sa doble ng global average—papalo ang thermometer sa hindi kapani-paniwalang 15C hanggang 20C.

Ang pagsusunog sa lahat ng batid na reserbang langis, petrolyo, at uling ay magdudulot ng hanggang limang trilyong tonelada ng heat-trapping carbon sa himpapawid, karamihan ay sa paraan ng carbon dioxide, iniulat ng grupo ng siyentista sa journal na Nature Climate Change.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang bilang na ito—may sampung beses ng 540 bilyong tonelada ng carbon na ibinuga sa mundo simula nang magsimula ang industriyalisasyon—ay magkakaroon ng katotohanan sa pagtatapos ng ika-22 siglo kung hindi babawasan ang paggamit sa fossil fuel, dagdag ng pag-aaral.

Karamihan sa taya ng UN climate science panel para sa greenhouse gas emission ay hindi lumalagpas sa dalawang trilyong tonelada ng carbon, higit pa sa sapat upang magdulot ng nakapanghihilakbot na pagtaas ng dagat, tagtuyot, heat wave, at baha.

Tunay na upang mapigilan ang higit na pag-iinit ng mundo sa paglimita sa 2C (3.6 F), ang kabuuang carbon budget ay dapat na nasa isang trilyong tonelada, ayon sa United Nations.

Gayunman, hindi tamang balewalain na lang ang mga nakababahalang scenario na gaya nito, ayon sa pangunahing may akda ng pag-aaral.

“It is relevant to know what would happen if we do not take actions to mitigate climate change,” sabi ni Kasia Tokarska, doctoral student sa University of Victoria sa British Columbia, Canada.

Aniya, walang katiyakan na ang 195 bansang nagkasundo sa Paris Agreement ay tutupad sa kanilang naipangako upang limitahan ang global warming sa 2C (3.6 F) sa pamamagitan ng pagbawas o tuluyang paghinto sa paggamit ng fossil fuels.

Muling nagtipun-tipon ang mga negosyador sa siyudad ng Bonn sa Germany ngayong linggo upang balangkasin ang pagpapatupad sa makasaysayang kasunduang pulitikal at pandaigdigan, ngunit abala sila ngayon sa pagtalakay sa mga gagawing proseso.

“Policymakers need to have a clear view of what is at stake... if no meaningful climate policies are put in place,” sabi ni Thomas Frolicher, isang eksperto sa environmental physics sa science and technology university na ETH Zurich.

Una nang natukoy sa mga pananaliksik na bababa ang inaasahang pagtaas ng temperatura ng Earth kapag naabot na ang dalawang milyong tonelada, dahil mababawasan na ang epekto ng carbon.

Batay sa pagtaya ng mga naunang climate model, ang pagkaunti ng fossil fuel reserves ay nagpapainit sa planeta ng 4.3C hanggang 8.4C. Sa bagong pag-aaral, itinaas ito sa pagitan ng 6.4C at 9.5 C.

Gayunman, kahit na matagumpay na mabawasan o matuldukan ng sangkatauhan ang paggamit nito ng petrolyo, gasolina at uling, maaaring ang kalikasan mismo ang magdagdag ng greenhouse gases, babala ng mga siyentista.

Daan-daang bilyong tonelada ng carbon, karamihan ay sa paraan ng methane, ang nakaimbak sa permafrost ng sub-Arctic region. At laging nariyan ang posibilidad na pasabugin ng global warming ang methane reserves na ito.

(Agencé France Presse)