THEA copy

KUNG todo kontrabida si Thea Tolentino noon sa The Half Sisters, mas lalo siyang kinaiinisan ngayon sa bago niyang primetime drama serye na Once Again. Pero nagbida na siya sa past soaps na ginawa niya, bakit balik-kontrabida na naman siya?

“Okay lang po sa akin, kasi ako naman ang main kontrabida,” nakangiting sagot ni Thea. “Saka as long as my work po ako, kahit anong role, basta maipakikita ko ang talent ko sa pag-arte okey lang sa akin. Malay natin, baka dito po talaga ako makikilala.”

Nag-audition siya sa role ng Sang’gre na si Danaya para sa “Encantadia 2016, na napunta kay Sanya Lopez na friend niya at matagal na nakasama sa The Half Sisters, pero may nagsabi na mas bagay sana sa kanya ang role ni Pirena (dating ginampanan ni Sunshine Dizon).

‘Pasko para sa lahat’ PDLs, may Christmas wishlist ngayong Pasko!

“Okey lang po sa akin, sobrang perfect po niya kay Glaiza (de Castro) Saka kung hindi man po ako natuloy sa Encantadia, naibigay naman sa akin ang role ni Celeste sa Once Again.”

Wala pa bang nang-aaway sa kanya kapag nakikita siya sa labas dahil sa mga pananakit niya kay Janine Gutierrez sa soap nila?

“Wala pa naman po, pero hintayin nila dahil mas marami pa akong gagawing pahirap kay Des,” natatawang sagot ni Thea.

“Mahal na mahal ko po kasi si Aldrin (Aljur Abrenica) at hindi ako makapapayag na mawala siya sa akin.”

Pagdating sa lovelife, tigas ang pagtanggi ni Thea na may relasyon na sila ni Mikoy Morales na nakasama rin niya sa talent search na Protégé. Naging very close lang daw sila pero hanggang friendship lang, hanggang ngayon. Nag-dare pa si Thea sa mga kaharap na kahit daw tanggalin siya sa kanilang soap, talagang wala silang relasyon ni Mikoy.

Close friend din niya ang dating ka-love team na si Jeric Gonzales at kagrupo nila ang tween star na si Joyce Ching.

Biniro tuloy si Thea na kung may kissing scene ba sila ni Aljur sa soap, hindi ba siya magpapaalam kay Mikoy?

“Hindi po, sa tatay ko po ako magpapaalam. First time ko po kasing gagawin iyon kaya kailangang may approval ng tatay ko.”

Loveless si Aljur, paano kung ligawan siya nito?

“Ay, hindi po, kasi iba po ang type ko. Gusto ko Hapon. Bata pa po ako mahilig na ako sa mga anime kaya Hapon ang gusto ko. May favorite nga ako, si Yamada Ryosuke. After naming mag-taping ng The Half Sisters sa Japan, noong October, bumalik ako uli roon para manood lang ng concert niya. Sikat po siya sa Japan.”

Paano kung may matandang Hapon na magkagusto sa kanya?

“Ay, hindi po! ‘Yung ka-age ko lang, hanggang twenty three years old lang na Hapon,” natatawang sagot ng dalaga.

Napapanood ang Once Again, gabi-gabi sa GMA-7 pagkatapos ng Poor Señorita. (NORA CALDERON)