SISIMULAN ng Konggreso sa araw na ito ang opisyal na pagbibilang ng boto para sa pangulo at pangalawang pangulo mula sa halalan noong Mayo 9.

Bagamat hindi pa tiyak ang nagwagi sa pagitan nina Sen. Ferdinand Marcos, Jr. at Rep. Leni Robredo sa pagka-pangalawang pangulo, malinaw na ang nagwagi sa pagkapangulo.

Kailangan pa rin ang opisyal na pagbilang ng Konggreso, ngunit malinaw na pinili ng sambayanang Pilipino si Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang ika-16 na pangulo ng Republika.

Noong nakaraang linggo, ipinahayag ng Nacionalista Party, na aking pinamumunuan, ang suporta sa administrasyon ni Pangulong Duterte sa pamamagitan ng paglagda sa Davao City sa isang koalisyon sa pagbabago.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sinusuportahan ng NP ang agenda sa reporma ng bagong administrasyon na nauukol sa kaayusang panglipunan, kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde, reporma sa pulitika, at pagtulong sa mga dukha.

Panahon na upang gumalaw ang bansa mula sa mapait na kampanya at simulan ang paglutas sa ating mga suliranin.

Panahon na upang tiyakin ang tagumpay, hindi ng mga kandidato, kundi ng sambayanang Pilipino.

Hindi mahalaga kung sino ang inyong ibinoto. Dapat mangibabaw ang kapakanan ng bansa sa halip na pulitika. Gaya nga ng sinabi ni Pangulong Digong, panahon na upang simulan ang paghilom.

Tanggapin natin na maraming suliranin ang bansa na dapat malutas. Ang patuloy na pag-aalitan dahil sa pulitika ay magbubunga ng pagkakabaha-bahagi sa halip ng pagkakaisa, na kailangan upang matamo ang kailangang mga reporma.

Ang pagsuporta sa bagong administrasyon ay hindi nangangahulugan ng pagsang-ayon sa bawat galaw nito, o ang pagpipikit ng mata kahit sa kamalian.

Mahalaga ang kritisismo at oposisyon sa isang masiglang demokrasya, ngunit dapat itong makatulong sa ikabubuti, at hindi dapat gamitin sa ikasisira ng reputasyon o pag-agaw ng kapangyarihan.

Sa ilalim ng kasunduan sa pagitan ng NP at ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ni Pangulong Duterte, makikipagtulungan ang NP sa pagsusulong ng kanyang mga patakarang pang-lehislatura at ehekutibo.

Sinimulan na ni Pangulong Duterte ang pagbuo sa kanyang Gabinete. Nakipag-usap na rin siya sa mga lider ng ibang bansa, at ang kanyang kampo ay nakipag-ugnayan sa administrasyong Aquino para sa mapayapang transisyon.

Malaki ang aking paniniwala na ang bagong administrasyon sa ilalim ni Pangulong Duterte ay magsasagawa ng mahahalagang reporma upang matiyak ang pantay na paglago ng ekonomiya, at pagpapalawak sa kapangyarihang pulitikal sa kanayunan at kapayapaan. (Manny Villar)