Andre Iguodala

Warriors, ibinaon sa Oklahoma; Thunder, arya sa West Finals.

OKLAHOMA CITY (AP) — Ikinukumpara na ang Golden State Warriors sa Chicago Bulls bilang “all-time great”. Ngunit, sa kasalukuyang playoff, tila mababahiran ng dungis ang makasaysayang marka ng Warriors sa nagbabantang pagkasibak sa Western Conference finals.

Sa ikalawang sunod na laro, dinomina, binusabos at pinahiya ng Oklahoma City Thunder ang Golden State Warriors, 118-94, nitong Martes (Miyerkules sa Manila) para sa matikas na 3-1 bentahe sa best-of-seven conference final series.

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

Muling nanaig si Russell Westbrook sa kanilang duwelo ni reigning back-to-back MVP Stephen Curry sa nakubrang triple-double -- 36 na puntos, 11 rebound at 11 assist.

Kumana lamang si Curry ng 19 na puntos mula sa nakadidismayang 6-for-20 shooting. Sa Game 3, hindi rin naging magilas si Curry na tumipa ng 24 na puntos mula sa 7-for-17 shooting.

Itinanggi ni Warriors coach Steve Kerr na may iniindang injury si Curry o apektado pa rin ito ng natamong pinsala sa tuhod sa nakalipas na playoff laban sa Portland.

“He’s not injured,” pahayag ni Kerr sa postgame media conference.

“He’s coming back from the knee (injury), but he’s not injured. He just had a lousy night. It happens, even to the best players in the world,” aniya.

Natamo ng Warriors ang ikalawang sunod na kabiguan sa playoff na may bentaheng hindi baba sa 20 puntos, kauna-unahan sa prangkisa mula nang matalo sa Game Two at Three ng Milwaukee Bucks noong 1972 Western Conference semi-finals.

Matamlay din ang opensa ni Draymond Green, pinagmulta matapos ang paninipa sa kaselanan ni Thunder center Steven Adams sa Game Three, sa naiskor na anim na puntos, 11 rebound at anim na turnover.

Kakailanganin ng Warriors na maipanalo ang Game Five sa Huwebes (Biyernes sa Manila) sa kanilang tahanan sa Oracle Arena sa Oakland upang bigyan ng buhay ang sisinghap-singhap na pag-asa na makasalba.

“We all have to bounce back,” pahayag ni Kerr.

“The good news is, we go home. Obviously we play well at home. The idea now is to go home and get one win. Do that, and we put some pressure on them and we’ll see what happens.”

Subalit para kay Westbrook, tapos na ang laban.

“I think we’re in a good place, but like I said, this game is over,” sambit ni Westbrook.

“We’ve got to move on to the next game. Every game is different.”

Sa kasaysayan ng NBA, siyam na koponan ang nakalusot mula sa 1-3 pagkakabaon.

Nanguna si Klay Thompson sa Golden State sa naiskor na 26 na puntos, tampok ang 19 na puntos sa third period kung saan nagsagawa ng maiksing rally ang Warriors.

Nag-ambag naman sa Thunder si Kevin Durant na kumubra ng 26 na puntos at 11 rebound, habang kumana si Serge Ibaka ng 17 puntos at pitong rebound.

Malaki naman ang naitulong ni Andre Roberson, isa sa hindi pinapansin sa depensa ng Warriors, na tumipa ng career-high 17 puntos at 12 rebound.

“This is a tough situation to be in, but the series isn’t over,” pahayag ni Curry.