ZAMBOANGA CITY – Naninindigan ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga City sa mga kasong isinampa nito laban sa Moro National Liberation Front (MNLF), na sumalakay at naghasik ng ilang linggong kaguluhan at perhuwisyo sa siyudad noong Setyembre 2013.
Tumangging magkomento si acting Zamboanga City Mayor Cesar Iturralde sa inihayag kamakailan ni incoming President Rodrigo Duterte na pagkakalooban nito ng immunity sa mga kaso ang pinuno ng MNLF na si Nur Misuari.
“At this point in time, it’s too premature to react on the matter. We will wait until the (incoming) president officially assumes office and make such declaration,” sabi ni Iturralde.
Ngunit kung ang pamahalaang lungsod ang tatanungin, sinabi ng alkalde na patuloy nilang igigiit ang pagkakamit ng hustisya sa Zamboanga siege.
Aniya, magpapatuloy ang laban ng lungsod “until justice is served to the people of Zamboanga.”
Mahigit 150,000 katao ang nawalan ng tirahan sa pagsalakay ng MNLF sa siyudad, at labis itong nakaapekto sa ekonomiya at pamumuhay ng mga residente, maging sa mga karatig na lalawigan.
Kaugnay nito, naghain ang pamahalaang lungsod ng mga kasong rebelyon at paglabag sa International Humanitarian Law laban kay Misuari at sa mahigit 200 tagasuporta nito.
Matatandaang nagpalabas na ang korte ng arrest warrant laban kay Misuari, ngunit hanggang ngayon ay nananatili siyang malaya sa Sulu, habang nakapiit sa Taguig City ang ilan sa kanyang mga tagasuporta. (Nonoy E. Lacson)