Kung sakaling tanggapin ng nakaambang pangulo na si Rodrigo “Digong” Duterte ang imbitasyon, siya ang kauna-unahang Pangulo ng bansa sa nakalipas na taon na makadadalo sa Olympics.

Sinabi ng Philippine Team chef de mission sa Rio Olympics na si Joey Romasanta, awtomatikong may imbitasyon bilang ‘Head of State’ ang dating Davao City Mayor para sa opening ceremony ng quadrennial Games.

Nakatakda ang Olympics sa Agosto 5-20, habang pormal na manunumpa bilang ika-16 Pangulo ng bansa si Duterte sa Hunyo 30.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

“It will be good for our athletes if our presumptive president will be with the delegation for it will give them inspiration and give their best for the country,” sambit ni Romasanta sa PSA Forum kahapon.

“Usually, tatlong government invitations ang ibinibigay sa bawat kasaling bansa and isa sa iniimbitahan ang pangulo.

However, magkahiwalay lagi ang posisyon nila ng national Olympic committee president although magkakasama sa isang puwesto ang lahat ng head of state,” aniya.

Inaasahan na suportdo ni Duterte ang sports, taliwas sa dating pamahalaan ni PNoy na hindi man lamang nabigyan ng pagkakataon ang mga atletang Pinoy na makasama ito sa kanyang termino.

Ipinaliwanag ni Romasanta na kabilang din sa mga imbitado ang kasalukuyang Philippine Sports Commission (PSC) chairman na si Richie Garcia bilang sports minister bagamat hindi nito masiguro sakaling biglang magpalit ng liderato sa ahensiya ng gobyerno sa sports.

“PSC Chairman Richie Garcia is accredited as sports minister, however, courtesy will be accorded to the new minister should the new administration appointed a new leadership,” sambit ni Romasanta.

Ipinaliwanag naman ni Romasanta na kabuuang 11 atleta na ang kumpirmadong kabilang sa delegasyon ng bansa na lalahok sa Rio Olympics base sa rekord na hawak ng International Olympic Committee (IOC) Sports Entries Department na siyang namamahala sa mga nagkuwalipikang atleta.

Kabilang dito, bagamat wala pang opisyal na dokumento, si Eric Shauwn Cray na nagkuwalipika sa 400m hurdles at si Marestella Torres-Sunang na parte sa universality places gayundin ang golfer na si Miguel Luis Tabuena at ang kinakailangan pa na lumahok sa ilang torneo na si Angelo Que.

Pasok na rin ang mga boxer na sina light flyweight Rogen Ladon at Lightweight Charly Suarez sa boxing, gayundin ang weightlifter na si Hidilyn Diaz. Patuloy na naghahangad ang kasamahan nito na si Nestor Colonia na nasa China upang lumahok sa mga natitirang torneo.

Apat na swimmer na kasalukuyang patuloy na nagpapataas ng kanilang FINA ranking na sina Jasmine Alkhaldi, Jessie Khing Lacuna, Joshua Hall at Ashley Yu.

Hinihintay pa rin ng POC ang ilang magtatangkang makapagkuwalipika na boxing, swimming, athletics na sina EJ Obiena at Kyla Richardson, at ang Gilas Pilipinas na nakatakdang sumabak sa Hulyo 5 sa isasagawang FIBA Olympic Qualifying Tournament dito sa bansa. (Angie Oredo)