DARAGA, Albay – Prioridad ni Albay Gov. Joey Salceda na agad matapos at mabuksan and Bicol International Airport (BIA) at maging lungsod ang bayan ng Daraga, na kinaroroonan ng paliparan, kapag nagsimula na siyang magtrabaho sa Kongreso bilang bagong kinatawan ng ikalawang distrito ng lalawigan.

Matapos ihalal ng 92 porsiyento ng mga botante sa kanyang distrito nitong Mayo 9, sinabi ni Salceda na mahalaga ang pagbubukas ng BIA at ang pagiging lungsod ng Daraga sa pagsulong ng Albay bilang bagong sentro ng kaunlaran sa Southern Luzon.

Bukod dito, isusulong din ng outgoing governor ang South Luzon Railways, na mag-uugnay sa Bicol at Maynila; at ang extension ng South Luzon Expressway hanggang sa Legazpi City, na inaasahang magpapaigsi sa biyaheng Manila-Bicol na ngayon ay umaabot sa 12 oras.

Isinulong niya ang dalawang proyektong ito bilang chairman ng Bicol Regional Development Council (RDC) at Luzon Regional Development Committee (RDCom).

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Inaasahang hahakot ang BIA ng hanggang limang milyong turista sa Bicol pagsapit ng 2025, at lilikha ng 235,000 trabaho sa loob ng 10 taon.

Si Salceda rin ang may akda ng batas na lumikha sa BIA noong 2006, nang siya pa ay kongresista at chairman ng House Appropriations Committee.

Pasok din sa legislative agenda ni Salceda ang National Higher Education Contribution System (NHECS) para sa mga pribadong kolehiyo at libreng pag-aaral sa state universities and colleges.