IISA ang kahulugan ng estadistika na nagsasaad na limang porsiyento na lamang ng 76 na bahagdan ng forest cover ang natitira sa mga kabundukan: Bigo ang reforestation program ng nakalipas at kasalukuyang administrasyon. Ibig sabihin, hindi naging ganap ang tagumpay ng mga programa hinggil sa pagtatanim at pagpapayabong ng mga punongkahoy sa mga kagubatan na ngayon ay mistulang malawak na disyerto.

Sa isang aerial survey, halimbawa, tandisang sinabi ng isa nating kapatid sa media: Ang malaking bahagi ng mga kabundukan sa kapuluan ay hindi lamang patuloy na nakakalbo kundi tila mga natitigang na bukirin na lalo pang natutuyo dahil sa mga grass at forest fires. Nangangahulugan na talamak ang pagtotroso o illegal logging at lumpo ang reforestation projects.

Sa mula’t mula pa, milyun-milyong pisong pondo ang laging inilalaan ng pamahalaan sa pagtatanim ng mga punongkahoy sa mga kagubatan. Biglang paghahanda ito sa pinuputol na magugulang na puno sa pahintulot ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Nakalulungkot na hindi nadadagdagan kundi patuloy pang nababawasan ang mga ito dahil sa walang habas na pagtotroso; walang pakundangan ang pangungulimbat ng naturang pondo sa pagsasabuwatan ng mga tiwaling lingkod ng bayan.

Ito ang dahilan kung bakit tuwing tayo ay ginigimbal ng mga kalamidad, winawasak ang ating mga tahanan ng mga troso mula sa kabundukan; inaanod sa kapatagan at nagdudulot ng panganib sa sambayanan. Bigla tayong binabaha sapagkat naputol ang mga punungkahoy na mabisang pamigil sa pag-agos ng tubig mula sa kagubatan. Tila bulag, bingi at manhid ang DENR at iba pang ahensiya ng gobyerno sa pagsugpo ng ganitong pagsasamantala sa mga likas na kayamanan. Hindi naipatupad ang total log ban dahil na rin sa kapabayaan ng nakaraan at kasalukuyang pangasiwaan. Dahil dito, mananatiling kalbo at tigang ang ating mga kagubatan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Isa pang salot ng kagubatan na tila ipinagwawalang-bahala ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang illegal mining.

Talamak ito sa mga lugar na napaliligiran ng bundok. Nagpipista ang illegal miners sa paghuhukay ng ginto sa kapinsalaan ng gobyerno; ang kanilang nakukuhang mga likas na kayamanan ay hindi ipinagbabayad ng buwis.

Ang ganitong mga salot na kagagawan ng mga tinaguriang berdugo ng kalikasan ay dapat lipulin ng hahaliling administrasyon. (Celo Lagmay)