Malapit nang maging batas ang panukalang nagbabawal sa diskriminasiyon sa edad sa lugar ng trabaho.

Ito ay matapos ipasa ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na nagbabawal sa age discrimination sa mga opisina at ahensiya nitong Lunes ng gabi.

Pinagtibay ng Senado ang hakbang bago magtipun-tipon bilang National Board of Canvassers (NBOC) para bilangin ang mga boto para sa presidential at vice presidential candidates sa halalan nitong Mayo 9.

Sinabi ni Sen. Pia Cayetano, tagapagtaguyod ng Senate Bill No. 29, o Anti-Age Discrimination in Employment Act of 2016, na pinagbabawalan ng batas ang mga employer na mag-imprenta o maglathala sa anumang porma ng media, kabilang na ang Internet, ng anumang abiso o patalastas na nagmumungkahi mga pagpabor, limitasyon, detalye at diskriminasyon batay sa edad.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inaasahang isasalang ito sa debate sa bicameral conference committee bago ipadala sa Malacañang para sa lagda ni Pangulong Benigno Aquino III.

Binanggit ni Cayetano, na ang termino ay magtatapos sa Hunyo 30, na isa ang diskriminasiyon sa edad sa pinakamalaking hadlang sa trabaho sa bansa at wala pang batas na nagbabawal dito.

“There is none in our Labor Code; and until recently, it was not even on the policy radar screen of the Department of Labor and Employment,” sabi ni Cayetano.

“To be discriminated against due to a natural and unstoppable process of ageing is to impose another glass ceiling that is even more difficult to break than that of gender,” dagdag niya.

Sa oras na mapagtibay bilang batas, pagbabawalan ang mga employer na pagkaitan ng promotion ng isang empleyado o pagdamutan ng training opportunities, kompensasyon at mga pribilehiyo dahil lamang sa batayan ng kanilang edad.

Pagbabawalan din ang mga employment agency o recruitment center na tumangging i-refer sa trabaho ang isang indibiduwal dahil sa edad at ang labor organization na pagkaitan ng membership o hikayatin ng employer na isantabi ang isang tao dahil lamang sa kanyang edad.

Ang mga employer na lalabag sa batas na ito ay magmumulta ng P20,000 hanggang P200,000 o makukulong ng hanggang dalawang taon.

Sinabi ni Cayetano na hindi sakop ng pagbabawal ang mga kaso na ang edad ay isang occupational qualification na kailangan para sa normal na operasyon ng isang partikular na negosyo, o kung ang layunin ng employer ay sundin ang mga itinatakda ng seniority system, o ang kaso ay isa sa mga exception sa ilalim ng naaangkop na regulasyon na inisyu ng Labor secretary. (HANNAH TORREGOZA)