GAYA ng inaasahan, nagsimula nang maglipatan ang mga kongresista at iba pang opisyal sa partido at koalisyon ng susunod na administrasyon. Mahigit isang dosenang miyembro ng Liberal Party (LP) mula sa Visayas ang lumagda sa deklarasyon ng suporta para magmula sa partidong PDP-Laban ng nanalo sa pagkapangulo na si Rodrigo Duterte ang susunod na Speaker ng Kamara de Representantes.
Ilang araw na ang nakalipas nang nakipag-alyansa ang Nationalist People’s Coalition (NPC), ang ikalawang pinakamalaking partido pulitikal sa bansa (kasunod ng LP) sa Coalition for Change ng partido ni Duterte. Una nang sumanib sa koalisyon ang Nacionalista Party (NP), Lakas-CMD, at Partylist Coalition. Isa lamang itong koalisyon para sa speakership, ngunit sa mga susunod na buwan at taon, asahan nating mas makahihimok pa ng mas maraming kasapi ang PDP-Laban.
Sa mga unang taon ng Republika ng Pilipinas pagkatapos ng 1946, ang mga lider-pulitiko ng bansa ay nasa dadalawang partido lamang—ang Nacionalistas at Liberal Party—na may magkaibang ideolohiya. Binuwag ng batas militar noong 1972 ang sistema ng partido matapos nitong pawalang-silbi ang Kongreso at ang iba pang institusyon ng gobyerno. Tanging ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Pangulong Marcos ang mahalagang partido.
Nang magbalik ang institusyong demokratiko pagkatapos ng People Power noong 1986, nawala na sa NP at LP ang mga dati nitong kasapi. Nagtatag ang mga bagong leader ng kani-kanilang grupo na saklaw ng mga personal na alyansa. Si Pangulong Corazon Aquino ay may sarili niyang Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP), si Pangulong Fidel Ramos ay may Lakas-CMD, si Pangulong Joseph Estrada ay may Puwersa ng Masang Pilipino, si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay may Lakas-Kampi, at ngayon, pinamumunuan ni Pangulong Aquino ang bagong LP. Ang partido ng presidente, sino man siya, ang umaakit ng mga bagong miyembro, ngunit titiwalag din sa partido sa pagtatapos ng kanyang administrasyon.
Inasahang magwawakas na ang paulit-ulit na pagpapalipat-lipat na ito sa mga partido nang pagtibayin ang Konstitusyon noong 1987. Naaprubahan ang multiple-party system, na akma sa parlamentaryong sistema ng gobyerno, ngunit sa pinal na botohan sa uri ng pamahalaan, nagwagi ang presidential system. Ngayon, mayroon tayong pangulo, gaya sa United States, ngunit wala tayong matatag na two-party system. Sa halip, umiiral sa bansa ang multiple-party system ng mga parlamentaryong gobyerno ng Europa at ng maraming iba pang bansa sa ngayon.
Ito ang dahilan sa ating magkakahalong sistemang pulitikal. Bahagya nang umiiral ang katapatan sa partido, kung hindi man sadyang wala nito. Walang matibay na mga ideolohiya, walang matatag na prinsipyo ng gobyerno na nagbubuklod sa mga kasapi ng partido. Iniisip lamang ng mga kongresista ang kani-kanilang mga nasasakupa at mga sariling pangangailangan. Kaya naman lumuluhod sila sa sentro ng kapangyarihan, na siya ring may susi sa kaban ng bayan.
Kaya naglilipatan ngayon ang mga lider-pulitiko. Maaaring balang araw ay magkaroon tayo ng tunay na sistema ng partido na may matatag na mga prinsipyo at katapatang walang kupas, na maaaring suportahan ng mamamayan. Ngunit hindi pa ito mangyayari sa ngayon.