Ni NONOY E. LACSON
ZAMBOANGA CITY – Nasa 500 katao, karamihan ay mga bata, ang nagpulasan paalis sa kani-kanilang bahay kahapon ng madaling araw matapos na tumagas ang pangunahing tubo ng ammonia ng Universal Canning Factory, pasado 1:00 ng umaga kahapon.
Ayon kay Jose Abiera Repusala, machine operator, nangyari ang pagtagas habang isinasara niya ang ammonia machine dakong 1:15 ng umaga, ngunit bilang na-stock-up ang quick drain valve na nagbunsod ng pagtagas ng kemikal.
Alerto namang pinalikas ng mga opisyal ng Barangay Ayala, na roon matatagpuan ang pabrika, ang mga nakatira may isang kilometro malapit sa establisimyento, at dinala sila sa covered court ng barangay.
Nangyari ang ammonia leak sa gusali ng Cannery 2 sa compound ng pabrika, at ang amoy ng ammonia ay umabot sa hanggang 2.5 kilometro mula sa planta.
Hindi naman lumikas ang mga nakatira may dalawang kilometro ang layo mula sa pabrika, at nanatili na lang sa loob ng kani-kanilang bahay.
Dakong 2:00 ng umaga kahapon nang iulat ng pamunuan ng Universal Canning Factory na kontrolado na nito ang pagtagas ng ammonia.
Walang iniulat na dinala sa ospital dahil sa pagkakalanghap ng ammonia.