Naitala nina Pinay golf star Pauline del Rosario at Princess Superal ang ‘record lowest 36-hole’ matapos umiskor ng six-under 66 sa ikalawang sunod na araw para makamit ang medal honor sa 2016 US Women’s Amateur Four-Ball Championship nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Florida.
Kahanga-hanga ang bogey-free na laro ng Pinay para maitarak ang two-day total 12-under-par 132 sa Streamsong Resort. Nalagpasan nila ang dating record na 133 nina Kendall Griffin at Athena Yang sa nakalipas na taon sa Bandon Dunes Golf Resort in Oregon.
Pumangalawa sina 2014 US Women’s Amateur champion Kristen Gillman at 2015 US Women’s Amateur runner-up Sierra Brooks sa naiskor na 69 para sa 10-under 134.
Sasabak ang mga kalahok sa limang round ng match play, tampok ang 18-hole final. Wala pang opisyal na pairing sa first-round matchups.
Tinuldukan ni Superal, 2014 US Junior Girls Amateur champion, ang impresibong kampanya sa kahanga-hangang six-foot birdie putt.
“Princess’ last putt was very important,” pahayag ni Del Rosario sa usga.com.
“(Going bogey-free) was our goal today,” ayon naman kay Superal.
Kumana naman sina Sofia Chabon at Mikhaela Fortuna, kabilang sa Philippine Team, ng 68 para sundan ang opening round na 72 para sa ika-18 puwesto.