Ni CHARISSA M. LUCHI

imelda papinNAGHAIN kahapon ng election protest ang dating tinaguriang Jukebox Queen na si Imelda Papin laban sa kanyang katunggali sa pagkakongresista ng Ikaapat na Distrito ng Camarines Sur na si Noli Fuentebella dahil sa umano’y nangyaring dayaan sa idinaos na halalan sa kanilang lalawigan nitong Mayo 9.

Sa kanyang inihaing protesta sa House Electoral Tribunal, hiniling ni Papin ang pagsasagawa ng recount at pagbabalewala sa proklamasyon kay Fuentabella bilang nanalong kandidato noong Mayo 12 at kilalanin siya bilang nagwagi sa puwesto.

“We requested a manual recount of the ballots and nullification of Fuentebella’s proclamation. One hundred years na ang mga Fuentebella sa Camarines Sur, more than enough na ‘yun for them to get out of politics,” pahayag ni Papin sa panayam ng media.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“Masakit ang loob ko para sa ating mga kababayan na may nangyayari na ganitong irregularities at fraud,” aniya.

Base sa resulta ng eleksiyon, tinalo ni Fuentebella si Papin ng 740 boto.

Iginiit pa ni Papin na nananatiling lubog sa kahirapan ang mga residente ng Camarines Sur Fourth District dahil sa pamamayagpag ng pamilya Fuentebella sa pulitika sa lugar.

“Si Aga Muhlach nabudol-budol noon, ngayon nangyari naman kay Papin,” pahayag ng singer turned politician, hinggil sa pagkatalo ng dating aktor kay Camarines Sur Rep. Felix William “Wimpy” Fuentebella noong 2013 elections.