Lebron James diskaril sa Raptors; EC Finals, tabla sa 2-2.
TORONTO (AP) — Kung dati, ang agwat ng bentahe ng Cavaliers ang usap-usapan, ngayon ay kung paano maisasalba ng Cleveland ang ngitngit ng Toronto Raptors.
Balik sa wala ang 2-0 bentaheng itinatag ng Cavaliers at sa pagbabalik ng aksiyon sa Quiken Loans Arena para sa Game Five, haharapin nila ang mas kumpiyansa at mas may momentum na Raptors.
Ratsada sina Kyle Lowry at DeMar DeRozan – dalawang All-Star member ng Raptors – sa naisalansan na 35 at 32 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sandigan ang makapigil-hiningang 105-99 panalo laban sa Cavaliers sa Game Four ng Eastern Conference best-of-seven finals nitong Lunes ng gabi (Martes sa Manila).
Nag-ambag si DeMarre Carroll ng 11 puntos, habang muling nagpamalas ng ‘breakthrough’ game ang back-up center na si Bismack Biyombo sa nahugot na 14 na rebound, tampok ang dalawang huling offensive play ng Raptors para selyuhan ang panalo ng Toronto.
“We’ve been counted out, and we like that challenge,” pahayag ni DeRozan.
Muli silang susuong sa matinding hamon sa Game Five sa Cleveland kung saan 0-3 ang Raptors ngayong season at natalo sila sa kabuuang 72 puntos na kalamangan.
“We have to continue to make sure that when they punch, we punch back,” sambit ni Lowry. “And if they punch three times, we punch four times.”
Tangan ng Raptors ang mababang 2-6 karta sa playoff road game.
Nakatuon ang pansin sa Cavaliers para sa makasaysayang ‘sweep’ tungo sa NBA Finals matapos madomina ang Raptors sa unang dalawang laro ng serye. Pawang winalis ng Cavs ang Detroit Pistons at Atlanta Hawks sa unang dalawang round sa Eastern Conference playoff.
“Going back home we have to play a lot better and we will,” paninindigan ni LeBron James.
Nanguna si James sa natipang 29 na puntos, habang kumana si Kyrie Irving ng 26 na puntos para sa Cavaliers, naghabol sa kabuuang laro na umabot sa 18 puntos.
Kumubra naman si Channing Frye ng 12 puntos, siyam mula sa three-point area sa fourth period kung saan nakahabol ang Cavs at nakatikim ng unang bentahe sa 78-77.
Nagpalitan ng pagbuslo ang magkabilang panig bago naisalpak ni DeRozan ang dalawang free throw bago kumana ng isa sa foul line si Demarre Carroll mula sa sablay na three-pointer ni Frye para sa 99-96, may 3:23 sa laro.
Nakadikit muli ang Cavs sa three-pointer ni Irving, 101-99, tungo sa huling dalawang minuto, ngunit naging matatag ang Raptors sa magkasunod na ‘offensive rebound’ ni Biyombo.