Jaclyn Jose
Jaclyn Jose (AP)

Ni LITO MAÑAGO

PINARANGALAN si Jaclyn Jose sa closing ceremonies ng 69th Festival du Cannes (Cannes Film Festival) ng best actress para sa pelikulang Ma’ Rosa ni Brillante Mendoza.

Si Jaclyn ang kauna-unahang Pinoy actress na nag-uwi ng karangalan mula sa prestihiyosong film festival. Ang Cannes ang itinuturing na numero unong international film festival sa buong mundo, sinusundan ito ng Venice International Film Festival at Berlin International Film Festival.

‘Pasko para sa lahat’ PDLs, may Christmas wishlist ngayong Pasko!

Sa video footage na napapanood sa social media, kitang-kita ang pagkagulat ng aktres nang tawagin siya ng presenters bilang winner sa kategoryang Prix D’Interpretation Feminine (best actress) para sa kanyang heartfelt portrayal sa Ma’ Rosa.

Mahigpit na yakap naman ang isinukli ni Direk Brillante (winner ng 2009 Cannes Best Director [Kinatay]) sa kanyang lead star. Proud daughter naman ang kanyang kabituin sa naturang pelikula na si Andi Eigenmann—habang iniaabot naman ang kamay sa anak—sa kapapalakpak sa ina.

Sa pag-akyat ni Jaclyn sa entablado, isinama niya ang anak at kanyang direktor.

Halatang nanginginig at kabado si Jaclyn habang papalapit sa podium para tanggapin ang karangalan. Hindi rin niya napigilang mapaluha sa malaking karangalan na ipinagkaloob sa kanya.

“I dunno what to say,” simula ni Jaclyn. “I was so surprised. I just went to have a red carpet walk with my daughter—my real-life daughter, and my daughter in the movie also.”

“Thank you to Cannes (pronounced without an S), thank you so much. Thank you to all the jury. To Brillante, he is a brilliant and genius director in the Philippines... I would also like to share this recognition to all Filipinos... Thank you, Mr. President (referring to Australian director George Miller, head ng festival jury for main competition),” bahagi ng acceptance speech ng bagong hirang na Cannes best actress.

Unang nakatrabaho ni Jaclyn si Direk Brillante sa Masahista 11 years ago at nasundan ito ng Serbis na naging official entry rin sa naturang filmfest noong 2008.

Sa recent history ng Philippine local film history, unang inialok ni Direk Brillante ang Ma’ Rosa kay Batangas Governor and Star for All Seasons, Vilma Santos pero dahil yata sa schedule, hindi ito nagawa ng aktres kaya napunta kay Jaclyn ang proyekto.

Sa pagkakapanalo ni Jaclyn bilang best actress, kahilera na ngayon ang pangalan niya sa nagkamit ng isa sa pinakamalaking karangalan sa Cannes katulad nina Michele Morgan (1946) Bette Davis (1951), Susan Hayward (1958), Vanessa Redgrave (1966/1969), Meryl Streep (1989), Julianne Moore (2014) at marami pang iba.

To Jaclyn, congratulations! You made us proud.