Ni JUN RAMIREZ

Joey MarquezInabsuwelto ng Office of the Ombudsman si dating Parañaque City Mayor Joey Marquez sa ikaapat at huling kasong graft na kinahaharap nito tungkol sa kontrobersiyal na pagbili ng P4.4-milyon garbage at compose recycling equipment para sa pamahalaang lungsod noong 2000.

Sa 11-pahinang resolusyon, sinabi ni Director Nellie P. Boguen-Golez ng OMB Preliminary Investigation Bureau, na walang sapat na ebidensiya na nakalap ang kanilang tanggapan na mag-uugnay sa dating aktor sa sinasabing iregularidad.

“Complainant failed to establish the participation of Marquez in the assailed transaction. His signature does not appear in any of the supporting documents,” ayon sa resolusyon.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Inaprubahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang rekomendasyon ni Golez na ibasura ang graft case laban kay Marquez.

Bukod kay Marquez, absuwelto rin sa kahalintulad na kaso sina dating City Treasurer Silvestre de Leon; dating City Administrator Antonio L. Abad III; at dating General Services Office Chief Ofelia C. Cunan; sina Antonina S. Asahan at Leonarda Alibutud, ng Commission on Audit (CoA); at sina Ricardo Adriano at Ronnie Salama ng Julia Enterprises, Inc.

Matatandaan na ibinasura rin ng Korte Suprema ang mga unang kaso ng graft laban kay Marquez na may kaugnayan sa pagbili ng walis tingting noong Setyembre 2009, habang absuwelto rin ang dating alkalde sa isa pang kaso na may kaugnayan din sa pagbili ng walis tingting noong Mayo 2011 at ammunition purchase contract noong Enero 2015.