GINUGUNITA taun-taon, tuwing Mayo 24, ang Araw ng Kalayaan ng Eritrea ang pinakamahalagang pambansang holiday sa bansa. Sa petsang ito noong 1991 ay kumilos ang puwersang Eritrean People’s Liberation Front (EPLF) patungong Asmara para bawiin ang kalayaan, makalipas ang 30 taong pakikipaglaban sa sandatahang Ethiopian.
Ang Araw ng Kalayaan ay ginugunita sa buong bansa. Ngunit ang sentro ng mga aktibidad ay sa Asmara, ang kabisera at pinakamalaking lugar sa bansa. Sa Asmara ipinagdiriwang ang tagumpay noong 1991 at nagdaraos ng isang-linggong cultural programs sa Bahti Meskerem at Cinema Odeon, isang karnabal sa mga pangunahing lansangan sa Asmara, bukod pa sa mga community banquet, musical programs sa Harnet Avenue, at isang masayang selebrasyon sa Asmara Stadium.
Ayon sa kasaysayan, ang pangunahing dahilan sa pakikipagtulungan ng Eritrea sa Ethiopia ay ang iisang nakalipas ng dalawang bansa. May estratehikong importansiya ang Eritrea para sa Ethiopia dahil sa paghahati ng mga dalampasigan nito sa Red Sea at sa mga likas na yaman ng mga ito. Dahil dito, ang Eritrea ay naging ika-14 na lalawigan ng Ethiopia noong 1952, na nagwakas sa mabagal na paraan ng pananakop ng gobyernong Ethiopian; isang proseso na nakapaloob sa isang dekrito noong 1959, at nagbigay-daan sa obligadong paggamit ng Amharic, ang pangunahing lengguwaheng Ethiopian, sa bawat eskuwelahan sa Eritrea.
Taong 1961 nang ilunsad ang kampanya para sa kalayaan, na nauwi sa 30-taong pakikipagdigmaan laban sa mga awtoridad ng Ethiopia. Nagtapos ang mga paglalaban noong 1991, kasunod ng pagpapasa ng isang lehislaturang sinubaybayan ng United Nations na nagpapahayag ng pagnanais ng mamamayang Eritrean na maging malaya. Inihayag ng Eritrea ang kalayaan nito at nagtamo ng pandaigdigang pagkilala noong 1993. Pormal na kinilala ang kalayaan ng bansa nang maging kasapi ito ng United Nations nang taon din na iyon.
Ang Eritrea ay isang bansa sa East Africa, na nahahanggan ng Sudan sa kanluran, Ethiopia sa katimugan, at Djibouti sa timog-silangan. Ang mga bahagi nito sa hilaga-silangan at silangan ay may napakahabang dalampasigan ng Red Sea. Maraming lugar sa Eritrea ang dinarayo ng mga turista. Ipinagmamalaki ng kabisera ng bansa ang Cathedral of Asmara, na may kampanaryo na umaabot sa langit ang taas. Inilalarawan ito bilang isang “sterling piece of Lombard-Romanesque architecture” at kapaki-pakinabang para sa mga nawawalang manlalakbay. Tampok naman sa National Museum of Asmara ang mga exhibition na kakikitaan ng mga balumbon, nauukitang libingan, at mahahalagang artifacts mula sa iba’t ibang excavation.
Binabati natin ang Mamamayan at Gobyerno ng Eritrea, sa pangunguna ni President Isaias Afwerki, sa pagdiriwang nila ng ika-25 Anibersaryo ng kanilang Kalayaan.