Ni Marivic Awitan
Dahil sa limitado lamang at napakaikli ng panahon para sa paghahanda sa gaganaping Manila Olympic Qualifying Tournament sa Hulyo, nais ni National coach Tab Baldwin na walang masayang na panahon para sa kanyang koponan.
Bukod sa ilang tune-up matches na kanilang itinakda para sa Nationals, magkakaroon nang high-altitude training ang Gilas sa Karpenisi, Greece.
“It’s a stadium attached to the hotel, a stadium and a weight room. I don’t think it’s state-of-the-art, but it’s one of the better situations in Greece,” pahayag ni Baldwin.
Nasa itaas ng bundok ang lugar na inaasahan ni Baldwin na akma para sa ensayo.
“It’s up in the mountains so it would be cooler. Still summer time there, but it won’t be down there in the heat of the sea level,” dagdag nito.
Sa natural ding lugar nagsanay ang Greece national men’s basketball team nang lumahok ito sa 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Bukod sa nasabing pagsasanay sa Greece magkakaroon din ng tune- up matches ang Gilas sa Hunyo 7-8 kontra Iran na gaganapin sa Manila, Turkey national team sa Hunyo 21 sa Istanbul, sa Italy sa Hunyo 25 at alinman sa Canada o China sa Hunyo 26 sa isang pocket tournament sa Bologna.
Huling makakasagupa ang Gilas ang Turkey sa Hulyo 1 sa Manila.